Amendment ng Internal Rules of Procedure ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan, aprubado na

Agarang inaprubahan sa Unang Pagbasa ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang panukalang pag-amyenda ng Internal Rules of Procedure o IRP sa ginanap na Unang Regular Session noong January 02, 2018.
Pitong konsehal ang nagtulak ng amendment sina Kon. Ruben Ilagan, Kon. Mario Seeping, Kon. Rosendo Del Rosario, Kon. PB Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Fanny Posada at Kon. Emmanuel Liwag.
Sa pagsisimula ng sesyon ay muling itinulak ni Kon. Ilagan ang naturang panukala na mailathala sa adyenda ng dinidinig na sesyon ang pag-amyenda ng Resolution No. 003-2016 o Irp ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan partikular na ang Sec. 2 at Sec. 9 paragraph (b) ng Rule no. 8.
Ayon kay Atty. Norberto Coronel Secretary ng SP, isang liham ang kanyang natanggap mula kay Vice Mayor Anthony Umali na kasalukuyang gumaganap bilang Acting Mayor ng Lungsod.
Base sa isinasaad ng liham nagpahayag ng saloobin ang Bise Alkalde na walang karapatan ang sino man na baguhin at bawasan ang karapatan ng Permanenteng Presiding Officer sa panahon na siya ay pansamantalang hindi makapag preside habang nanunungkulan bilang Punong Lungsod.
Bunsod nito, nagmosyon si Kon. Del Rosario, na suspindehin ang Internal Rules.
Tanong Ni Kon. Gave Calling na sinegundahan ni Kon. Nero Mercado, anong partikular na probisyon ang hinihiling na suspendihin ng mga may akda?
Ngunit, ang binasa ni Kon. Ilagan ay ang dalawang seksiyon ng ninanais nilang amyendahan.

Kaya’t paulit-ulit itong tinanong nina Kon. Mercado at Calling.
Bagay na hindi pa rin masagot ng tama ng mga proponent.
Dahil tila hindi maunawaan ng mga nagsusulong ng panukala ang hinihinging kasagutan sa tanong nina Kon. Mercado at Calling ay humingi na ng tulong sa Sekretarya ng Sanggunian si Kon. Seeping.
Dahil sa pagsuspinde ng Internal Rules at pagpupursige ng mayorya ay tuluyan ng na amyendahan ang IRP na naglalayong maalis kay VM Umali ang pangangasiwa ng pag-aadyenda at pagpapasya kung ang isang kahilingan ay urgent.
Ayon kay VM Imali, kitang-kita aniya sa deliberasyon na napag-uutusan lamang ang pitong konsehal dahil halata na hindi pinag-aralan ang panukala.
Bagamat muling nanaig ang kagustuhan ng mayorya ay mas lalo aniyang buo ang kanyang loob na maipakita sa mga Cabanatueño kung sino ang tama at maling magtrabaho.
Dagdag pa niya, walang ibang pwedeng maging dahilan kundi politika ang ugat ng aksyon na ito.
Sa huli, hindi pa rin natitinag at patuloy na matapat na paglilingkod ang pangako ng Bise Alkalde sa mga mamamayan.
Matatandaan na buwan pa lamang ng Pebrero nang nakaraang taon ay isinusulong na ng pitong konsehal ang naturang panukala. –Ulat ni Danira Gabriel