Zipline sa Mt. Bulaylay sa Bayan ng Cuyapo, pormal nang ibinukas sa publiko

Ikinatuwa ng mga mamamayan ng Bayan ng Cuyapo ang Grand Launching ng Zipline sa Mt. Bulaylay na inaasahang makatutulong upang mas makilala ang kanilang lugar.

Isa si Abel Lopez, guro sa Cuyapo National High School, sa nag-abang sa pagsasapubliko ng Zipline upang masubukan ang kakaibang adventure na hatid nito.

Kabilang din ang mga mag-aaral na sina Thea Mendoza at Sofia Alexis na sabay na sumubok sa Zipline ng Cuyapo.

Labis din ang excitement at saya ni Daniel Mark Bernardo dahil sa pagkakaroon ng bagong atraksyon sa kanilang lugar na maaaring libutin upang makapag-enjoy at makapagrelax.

Station of the Cross, 265 Steps, View Deck, Eco Trail at Bamboo Park, ilan lamang yan sa mga aabangan na Tourist Spot at bubuo sa pinapangarap na Ecotourism Site ng Cuyapo.

Bukod pa rito, sa ibabang bahagi ng bundok ay matatagpuan ang Dragon Fruit Farm na mas pagagandahin ng Lokal na Pamahalaan bilang sentro ng Agri Tourism.

Samantala, naisakatuparan ang pagkakaroon ng Zipline sa Mt. Bulaylay sa panahon ng dating administrasyon na inimprove at mas isinaayos ni Mayor Florida Esteban para sa seguridad ng mga sasakay dito.

Hindi naman pinalampas ng Punong Bayan ang pagkakataon na maimbitahan ang mga Novo Ecijano at mamamayan ng mga kalapit na probinsya na tunguhin ang Mt. Bulaylay upang masubukan ang kanilang ipinagmamalaking Zipline at iba pang mga Ingat Yaman.

Aabot naman sa P150 ang bayad sa Zipline habang may diskwento naman para sa mga estudyante.—Ulat ni Jovelyn Astrero