Stipend Program Ng pamahalaang panlalawigan, tulong pinansyal sa mga mahihirap na mag aaral

Isa si Monica Argote sa libu-libong estudyante ng NEUST  na pinalad na nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaang panlalawigan sa ginanap na Stipend Program sa Nueva Ecija University Science and Technology-Main kamakailan.

Sa aming panayam kay Monica, napag alaman ng Tv48 na sya ay nagtatrabaho sa gabi matustusan lamang ang kanyang pag-aaral, kaya sa kagaya nyang aral sa umaga trabaho sa gabi ay malaking bagay na ang makatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.

Hindi naman pinalagpas ni Monica ang pagkakataong makapagpasalamat sa ina at ama ng lalawigan at bilang sukli ay nangako ito na pagbubutihin pa ang kanyang pag-aaral at nagbigay payo sa kapwa nya iskolar.

Para naman sa mag inang hirap din sa buhay na sina Victoria Bactat at anak na si Jonnalyn, malaking tulong ang programang ito sa kanila dahil pandagdag gastos din lalo na sa  mga aklat at iba pang proyekto sa paaralan.

Kapos man sa buhay ay itinataguyod pa rin ni Victoria ang dalawang anak mabigyan lamang ng magandang buhay ang mga ito.

Masayang masaya naman si Atty Hilario Ortiz, dating pangulo ng NEUST main dahil sa natanggap na biyaya ng mga estudyante mula sa pamahalaang panlalawigan.

Nagbigay naman ng payo si Atty Ortiz sa mga mag aaral na pahalagahan ang tulong na nagmumula sa gobyerno.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran