Panukalang Public and Private Partnership sa Supermarket ng Cabanatuan City, tinututulan ni VM Umali

Sa pagdinig ng Annual Investment Plan (AIP) 2018 ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa City Economic Enterprise and Public Utilities Operation, makikita ang planong panukalang modernisasyon ng Supermarket at Sangitan Market sa ilalim ng Public and Private Partnership (PPP).

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali, kabi-kabila ang naipapagawang malalaking tulay, malalapad na kalsada at magagandang eskwelahan dahil sa bilyong pondo ng City Government taon-taon. Ngunit, aniya bakit ang pagsasaayos ng pamilihan ay kailangan pang isalang sa PPP? Samantalang, kung tutuusin ay kayang-kaya umano itong gawin ng Pamahalaang Lungsod.

Sa pahayag pa ng Bise Alkalde, ang pagsasaayos ng Pamilihang Bayan ay maituturing na obligasyon ng Lokal na Pamahalaan para suportahan ang mga maliliit na negosyante ng lungsod. Hindi aniya upang magpapasok ng mga higanteng kumpanya na papatay sa munting hanapbuhay ng mga Cabanatueño.

Dagdag pa ni Vice Mayor Umali, nakakalungkot lang aniya na parang mas pinapahalagahan ng ibang namumuno ang sariling interes kaysa sa mga mamamayan na naninirahan dito.

Matatandaan na nauna nang naipatupad ng City Government ang PPP sa Central Terminal. – Ulat ni Danira Gabriel