Mga paboritong pagkain ng mga bayani, inihain ng Bistro 1896 sa pagdiriwang ng Bonifacio Day

Bida at tampok sa selebrasyon ng Bonifacio Day sa Bistro 1896 ang mga paborito umanong pagkain ng mga bayani noong unang panahon, na ipinatikim sa mga mag-aaral ng College for Research and Technology.

Ayon kay Djoone Doncillo-Licup, may-ari ng Bistro 1896, sinaliksik nilang mabuti katuwang ang mga mag-aaral ng CRT ang mga pagkain na paborito umanong kainin ng mga bayani noong panahon ng digmaan.

Inihain ng Bistro 1896 ang mga paborito umanong pagkain ng mga bayani sa pagdiriwang ng Bonifacio Day

Isa sa mga pagkain na ito ay ang tinola ni Melchora Aquino na ipinahihigop at ipinakakain umano sa mga sugatang sundalo upang manumbalik ang kanilang mga lakas.

Ang Lechon Manok sa Saha ng Saging at Tinapa with Ensalada  ang mga paborito umanong pagkain ni Gat Andres Bonifacio.

Maliban naman sa tinola ay paborito rin ni Melchora Aquinong kainin at lutuin ang Pinakbet, ang Beef Asada naman ay paborito ni Gat Jose Rizal, at ang Adobong Dilaw naman ang paborito ni Emilio Aguinaldo.

Sinabi naman ni Mark Alvin Abad, Instructor ng CRT, layunin ng pagdiriwang na maimulat ang mga kabataang Novo Ecijano sa Kultura at Kasaysayan ng bansa at muling alalahanin ang mga bayaning nag-ambag sa pagkamit ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.

Ipinatikim ng Bistro 1896 sa mga mag-aaral ng College of Research and Technology ang
mga pagkaing kinakain noon pang panahon ng mga bayani

Itinampok din ang mga larawan ng mga makasaysayang lugar sa Lalawigan, mga bagay na ginamit sa pag-aklas sa mga mananakop, mga taong may malaking ambag sa lipunan at iba pa.

Bumida din ang ilang mga pagtatanghal ng mga estudyante ng CRT na nagpakitang gilas o nagpamalas ng galing sa demonstrasyon ng pagiging isang Tour Guide.—Ulat ni Jovelyn Astrero