Training ng 410 Candidate Soldiers ng Army Artillery Regiment, sinimulan na!

Pormal nang binuksan kahapon ang Candidate Soldier Course Class 2017 ng Army Artillery Regiment kasunod ang pagsisimula ng 16 weeks o may katumbas na apat na buwan na training ng apat na raan at sampong Candidate Soldiers.

Sa apat na raan at sampong mga Candidate Soldiers isang daan at apat napu’t isa (141) dito ang nagmula sa Luzon, labing apat (14) ang nagmula sa Visayas at dalawang daan at limampu’t apat (254) ang nagmula sa Mindanao.

Sumabak na sa training ang 410 Candidate Soldiers ng Army Artillery Regiment na magtatagal ng apat na buwan.

Ayon kay First Lieutenant Raniel C. Tapat, Course Director ng Candidate Soldier, mula sa mahigit isang libong aplikante na dumaan sa Registration and Initial validation of supporting papers, Trade Test, Screening Interview, Physical Fitness Test, Initial Deliberation Board Interview, Final Physical Fitness Test, Hepatitis Test and Drug Test, Neuro-Psychological Screening, Medical and Dental Examinations, Background Investigation, Final Deliberation Board at HPA Validation, ay tanging ang apat na raan at sampo lamang ang nakapasa na sasailalim sa tatlong phase ng training upang maging ganap na miyembro ng Sandatahang Lakas ng bansa.

Sinabi din ni Tapat na isa sa challenge na kakaharapin ng mga ito ay ang paghandle sa iba’t ibang uri ng ugali na mayroon ang mga Candidate Soldiers upang mahubog ang mga ito patungo sa pagiging isang tunay na sundalo.

Ipinaliwanag naman ni Major Erwin Albesa, Commandant ng Artillery Training School, ang pagdadaanang tatlong phase ng training ng mga Candidate Soldiers.

Ayon naman kay Lieutenant Coronel Rommel Lazaro, G7 Officer ng Army Artillery Regiment, Philippine Army,  kapag nakagraduate na ang mga Candidate Soldiers ay maitatala ang mga ito bilang private at maidedeploy sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi pa nito na pagkatapos ng apat na buwang training ay inaasahan nila na magiging epektibo bilang mga bagong sundalo ng Army Artillery Regiment ang mga ito.

Makatatanggap na rin ng labing apat na libong piso ang mga Candidate Soldiers habang sumasailalim sa training sa loob ng kampo ng Fort Ramon Magsaysay.

Ibinida din ni Lazaro ang mga bagong kanyon ng Army Artillery Regiment na nagmula pa sa Israel at sa darating na taong 2024 ay asahan aniya ang pagdating ng Air Defense Equipment.

Naging Panauhing Pandangal at Tagapagsalita naman sa ginanap na Opening Ceremony si Major General Edgar F. Gonzales, Commander ng Mechanized Infantry Division, Philippine Army.

Si Col. Agane C. Adriatico, Commander ng Army Artillery regimen, Philippine Army habang iniaabot ang Plaque of Appreciation and Recognition kay Major General Edgar F. Gonzales, Commander ng Mechanized Infantry Dividion, Philippine Army na nagsilbing Guest of Honor and Speaker.

Sa kanyang talumpati ay binigyan nito ng pabaon na pampalakas-loob ang mga Army recruits upang hindi sumuko sa pagdadaanang mga pagsubok upang maging ganap na mga sundalo na handang magbuwis ng buhay para depensahan ang bansang Pilipinas.—Ulat ni Jovelyn Astrero