Wagi sa Nueva Ecija Star Model Search 2017, parehong nagmula sa lungsod ng Cabanatuan

Umalingawngaw ang malakas na hiyawan ng mga manonood na nagmula pa sa iba’t ibang parte ng lalawigan ng Nueva Ecija nang makita ang kani-kanilang pambato.

Lalo pang nagpainit sa mga manonood nang rumampa ang mga kalahok sa kanilang millennial attire.

Kanya-kanya ring istilo o pamamaraan sa pagdala ng mga kasuotan ang ipinamalas ng mga modelo sa kanilang High Fashion Attire.

Mga nagwagi sa NE Star Model Search 2017 (Bryan Christian De Castro- Sta Rosa, Queen Herby Mendoza- Jaen, Bryan De Guzman- Cabanatuan City, Melissa Cajucom- Cabanatuan City, Erica Macapagal- Cabanatuan City at Christian Jay Juan- Sta. Rosa)

Sa huli nagningning ang kagwapuhan ni Male Candidate No. 6 Bryan De Guzman at kagandahan ni Female Candidate No. 7 Melissa Cajucom matapos masungkit ang titulong Grand Winner at Brightest Star Models ngayong taon.

Bukod sa titulo nakuha ni Male Candidate winner ang mga special awards tulad ng Star in Halloween Make-up, Star in Official T-shirt, Male Star of the Night, Mr. Star Talent, Star Professional, Star Personality, Mr. DCA Production, Mr. Catwalk, at Mr. Royal Scent Award.

Hakot award din ang Female Candidate winner na nakatanggap ng award na Star in Colorful Casual Wear, Ms. Photogenic, Female Star of the Night, Ms. Star Appeal, Star in High Fashion Attire, Ms. Star Factor, Ms. Star Talent, Star in Millenial Attire, Star in Official T-shirt, at Star in Music Video.

Wagi rin sa nasabing kompetisyon sina Christian Jay Juan ng Sta. Rosa at Erica Macapagal ng Cabanatuan bilang 1st runner-up habang naiuwi naman ni Bryan Christian De Castro ng Sta Rosa at Queen Herby Mendoza ng Jaen ang 2nd runner-up.

Asahan naman ng mga nagwaging kalahok na tuloy-tuloy silang makakatanggap ng magagandang proyekto mula sa produksiyon ng Nueva Ecija Star Model.

Ipinaabot rin ng Creative Director ng Star Model na si Adrian Manaois at producer nitong si Daryl Anagao ng DCA Production ang labis na pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng Nueva Ecija Star Model Search 2017.

Ang nasabing Star Model Search ay isa sa mga prestihiyosong Model at Talent Search at kauna-unahang Multimedia Platform Event sa Nueva Ecija. –Ulat ni Shane Tolentino