Mga pekeng kooperatiba, pinababantayan ni Senator Zubiri

Dahil may mga umaabuso umano sa tax exemption privilege ng mga kooperatiba ay hinimok ni Senator Juan Miguel Zubiri ang mga lehitimong kooperatiba sa Nueva Ecija na bantayan ang mga grupong gumagawa nito.

Sa ginanap na Cooperative Month Celebration ng Provincial Cooperatives and Entrepreneurship Development Office sa Freedom Park, Cabanatuan City masayang ibinalita ng panauhing pandangal na si Senator Migz Zubiri na nasa interpellation period na sa senado ang TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusion Bill o House Bill 5636 kung saan hindi na kasama ang mga kooperatiba sa tatanggalan ng VAT exemption.

Matatandaan na mahigit dalawandaang kooperatiba sa lalawigan ang nakiisa sa panawagang tutulan ang pagtatanggal sa kanilang tax exemption sa ilalim ng Section 60 and 61 of Republic Act 9520 o New Cooperative Code of the Philippines na inakda ni dating Cooperative Committee Chair Senator Zubiri.

Kabilang ang Butil Partylist Representative Cecilia Chavez-Custodio sa 246 na mambabatas na sumuporta na mapanatiling libre sa buwis ang mga kooperatiba sa argumentong tataas ang loan interest rates mula 5% hanggang 6% kapag tinanggal ito.

Si Senator “Migz” Zubiri habang iginagawad ng Provincial Cooperatives and Entrepreneurship Development Office ang plaque of appreciation.

Kaakibat nang matagumpay na panawagan, hinihiling ng senador sa Cooperative Development Authority na linisin ang hanay ng may sampong milyong kooperatiba sa bansa at paghikayat sa mga lehitimong miyembro na bantayan ang mga tao o grupo na gumagamit sa kooperatiba para makapanloko at malibre sa buwis.

Samantala, sa ginanap na pagdiriwang ay pinarangalan din ang mga nagwagi sa mga inilunsad na patimpalak at paligsahan ng mga kooperatiba; kabilang ang limang natatanging kooperatiba.

Kapwa 5th Placer ang Cadalanacan MPC at Sto. Cristo Agricultural Workers Multi-purpose Cooperative na nagkamit ng tig Php2, 500. 00. 4th Place ang Balite Primary Multi-purpose Cooperative na tumanggap ng Php10, 000. 00 habang  3rd Place naman ang Llanera Teacher’s Association MPC na binigyan ng Php15, 000. 00.  2nd Place ang Pakul Primary MPC na nag-uwi ng Php20, 000. 00  at 1st Place united Pulo Multi-purpose Cooperative na nagwagi ng Php25, 000. 00

Ang mga papremyo ay ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Czarina Umali, Butil Partylist at mga Punong Bayan at Punong Lungsod.-ulat ni Clariza de Guzman