Kawalan ng plantilla position para sa mga traffic enforcer, nakikitang dahilan ng pangongotong

Nakikitang dahilan ng pangongotong ng ilang mga traffic enforcer ang kawalan ng plantilya posisyon para sa kanila sa pamahalaang lungsod ng Cabanatuan.

Ito ang inihayag nina Vice Mayor Anthony Umali at Kon. Gave Calling sa pagdinig ng Committee Of The Whole sa Peace and Order Public Safety Plan ng Philippine National Police ng lungsod.

Ayon kay VM Umali, kung hindi sapat ang kinikita ng mga enforcer ay malaki ang posibilidad na gumawa ng katiwalian ang mga ito.

Sa panahon ng administrasyon ni dating punong lungsod Manolette Liwag naipatupad ang ordinansa “For the Creation of Public Order and Safety Division and Appropriating Funds” na iniakda ni Kon. Gave Calling na naglalayong mabigyan ng permanenteng posisyon at karampatang benepisyo sa gobyerno ang mga traffic enforcer ng lungsod.

Ngunit, nang maupo si Mayor Jay Vergara ay nagkaroon ng re-organization at kasamang natanggalan ng regular na posisyon ang mga traffic enforcer.

Ayon kay Kon. Calling, nakakaawa na ang sitwasyon ng mga enforcer sa araw-araw na paggampan ng kanilang trabaho sa kalsada. Samantalang, hindi ito natutumbasan ng tamang kumpensasyon na karapat-dapat para sa kanila.

Sa katunayan, lima na aniya sa tatlumpung walong manggagawa ang may sakit na emphysema.

Hiling ni VM Umali, maisali na sana sa Peace and Order Public Safety Plan ng kapulisan ang plantilla position ng mga traffic aide na sinang-ayunan ng kapulisan.

Sa ngayon ay ika-apat na beses ng isinusulong ni Kon. Calling ang nasabing ordinansa. –Ulat ni Shane Tolentino