Biogas Digester, ipinakilala ng CLSU-PhilSCAT at INCA sa publiko

Inilunsad na ang bagong produktong Plastic Biogas Digester ng Central Luzon State University-Philippine-Sino Center for Agricultural Technology at INCA Philippines Incorporated nitong October 10  sa PhilSCAT, CLSU Compound.

Nagkamayan sina Ralph A. Cabrera ng INCA Philippines at Dr. Tereso Abella, presidente CLSU matapos ang Memorandum of Agreement signing kaugnay ng inilunsad na Plastic Biogas Digester.

Ang naturang produkto ay may kakayahang magproseso ng mga dumi ng hayop, kitchen at crop waste upang maging biogas na maaaring makalikha ng kuryente at magagamit din sa pagluluto. Habang ang digested product naman nito ay pwedeng gawing organic at liquid fertilizer para sa mga pananim.

Ang 2.32 meter diameter 6,000 liter plastic fixed dome biogas digester ay may pabilog na hugis at idinesenyo para sa pagbubukid. Ito ay gawa sa virgin polyethylene resin at inihulma ng isang piraso at hindi putul-putol upang masigurado na walang tatagas dito.

Ikinatuwa naman ito ng iba’t-ibang local government unit na dumalo sa product launching. Isa rito si Edgardo Bustamante, agricultural technologist ng San Jose City na nagustuhan ang disenyo ng digester. Aniya, problema sa mga digester ang pagtagas kaya naman para sa kanya ay mukang magiging patok ang naturang produkto sa mga tao.

Ayon naman kay Kristel Abellante ng Philippine Carabao Center, malaking tulong ito sa kalikasan at tinitingnan na nila kung paano iaapply ang produkto sa kanilang lugar.

Pinangunahan nila Ralph A. Cabrera ng INCA Philippines at Dr. Tereso Abella, presidente CLSU ang pagtatangal ng takip ng Biogas Digester para sa product launching nito.

Layunin ng Plastic Biogas Digester na mabigyan solusyon ang lumalalang suliranin sa pagkasira ng kalikasan dahil sa hindi tamang pagtatapon ng mga dumi ng hayop na nagiging dahilan ng polusyon sa mga ilog at iba pang anyong tubig.

Ang produktong ito na nagkakahalaga ng P195,000.00 ay maaaring tumagal ng mahigit sa limampung taon. Ayon kay kay PhilSCAT Director isa pang kainaman nito ay maaari itong ilipat ng lugar na hindi katulad ng ibang modelo na gawa sa concrete type na hindi na maaring ibahin ang pinaglalagyan.

Samantala labindalawang unit ng Biogas Digesters mula sa China ang ipinagkaloob noong 2015 sa mga cooperators na magsasaka at nag-aalaga ng hayop na malapit sa PhilSCAT Center upang mai-demonstrate, mai-promote at mai-commercialize ang naturang teknolohiya. –Ulat ni Irish Pangilinan