Pagkukunan ng P158-M Supplemental Budget, nais busisiin ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali

Sa ginanap na 41st Regular Session ng Sangguniang Panglungsod ng Cabanatuan kahapon ay hiningan ng detalyadong ulat ni Vice Mayor Anthony Umali si City Accountant Carmelita Llena tungkol sa panggagalingan ng P158-M na pondo na gagamitin sa Supplemental Annual Investment Plan ng taong kasalukuyan.

Paliwanag ni Vice Mayor Umali, nais lamang nilang malaman kung saang partikular na proyekto o opisina kinuha ang surplus amount na P158-M ng taong 2016.

Ayon kay City Accountant Llena, kung iisa-isahin ang breakdown ng surplus kung saan-saan ito nanggaling ay mahihirapan silang tukuyin ito.

Ani Llena, kung susundin ang nauna ng ulat ng City Budget Officer na nagmula sa sobrang pondo ng bawat opisina ang P158-M ay sosobra pa ito dito.

Dahil sa naging paliwanag ni City Accountant Llena ay hiniling ni Vice Mayor Umali na maisumite sa Sangguniang Panglungsod ang mas detalyadong report ng funding source para sa Supplemental AIP for 2017.

Sa panayam sa Bise Alkalde, sinabi nito na hindi biro ang halagang P158-M kaya nais nitong malaman ang kabuuang detalye ng pinanggalingan ng naturang pondo.

Diskumpyado din ito na magagamit sa natitirang dalawang buwan ng taong 2017 ang P158-M para sa inihahabol na mga proyekto.

Nilinaw din nito na bilang miyembro ng Sangguniang Panglungsod ay hindi ito balakid sa mga proyektong isinusulong sa Lungsod, nais lamang nitong dumaan ito sa tamang proseso.

Samantala, isa sa paglalaanan ng malaking tipak ng P158-M supplemental budget ay ang Earth Dike Project na magiging pangkontrol o pangharang umano sa tubig baha.

Lalaanan ng P33-M ang first phase na mayroong higit isang kilometro ang haba, ng kabuuang 16 kilometers ng naturang proyekto mula Valdefuente hanggang Sumacab.

May nasimulan at nagawa na ang Regional Public Works and Highways mula Fortaleza hanggang Valdefuente na siyang dudugtungan ng City Government.

Pangamba ni Vice Mayor Umali na baka tangayin lamang ng malakas na bugso ng tubig baha ang Earth Dike na sisimulang gawin sa Brgy. Pagas at masayang lamang ang halagang tatlumpo’t tatlong milyong piso, lalo na’t panahon ngayon ng tag-ulan.

Maliban pa dito, hanggang sa isinusulat ang balitang ito, ay hindi pa rin naipripresenta sa Sangguniang Panglungsod ang approval ng Mines and Geoscience Bureau at Feasibility Studies kaugnay ng proyekto.—Ulat ni Jovelyn Astrero