5 priority programs sa Police Regional Office 3, inilahad ni PCSUPT Corpus

Inilahad ni PCSUPT Amador Corpus, Regional Director ang limang programa na prayoridad sa ilalim  ng kanyang pamumuno sa Police Regional Office 3 sa ginanap na pagdiriwang ng 116th Philippine National Police Service Anniversary sa Nueva Ecija Police Provincial Office.

Sa press conference, inisa-isa ni Police Regional Director Corpus ang mga ipatutupad na programa sa Central Luzon para sa huling mga buwan ng taong kasalukuyan kung saan pangunahin pa rin ang kampanya sa pagsugpo sa illegal na droga kaakibat ng internal cleansing sa hanay ng kapulisan.

Ikatlong pagtutuunan ng pansin ang pagkakaroon ng offensive stance ng PNP Public Safety Forces laban sa mga umano’y kalaban ng gobyerno at otoridad.

Si PCSUPT Amador Corpus kasama ang mga tauhan ng Nueva Ecija Police Provincial Office.

Kasunod ang pagpapaigting sa anti-criminality campaign kung saan pinatututukan ni RD Corpus sa mga Chiefs of Police at unit commanders ang istriktong implementasyon ng “no texting policy” sa mga pulis na naka-duty lalo na sa mga traffic enforcers.

Pag-upo pa lamang nito sa kanyang posisyon ay kaagad na nitong ini-utos ang pagpapatigil sa mga tauhan ng paggamit ng cellphone upang hindi makasagabal sa paggampan sa kanilang tungkulin.

Panghuli ang laban ng PNP kontra sa illegal gambling partikular sa illegal STL o small time lottery. Kaugnay nito, nagbigay ng babala si Corpus na mananagot ang mga hepe at commanders kapag hindi nasawata ang illegal na opersyon ng nasabing sugal sa kanilang mga nasasakupan.- Ulat ni Clariza de Guzman