Mga masusugid na tagapakinig ni Manong Joe, nangungulila sa kanyang boses

Dahil sa pagpanaw ng beteranong brodkaster na si Manong Joe Taruc na itinuturing na haligi ng pamamahayag, nangungulila ang kanyang mga masusugid na tagapakinig na nasanay na sa kanyang boses tuwing umaga sa himpilan ng DZRH.

Ipinahatid ng isang tagahanga ang pagmamahal kay Manong Joe sa pamamagitan ng pamamaalam na nakasulat sa isang papel at pag-aabang sa mga labi ng beteranong brodkaster.

Labis na kalungkutan ang nararamdaman ng mga tagahanga ng beteranong broadkaster na si Jose Malgapo Taruc o mas kilala bilang Manong Joe matapos itong ihatid sa kanyang huling hantungan nitong ika-7 ng Oktubre sa Lungsod ng Gapan.

Ilan sa mga masusugid na tagapakinig ni Manong Joe na aming nakapanayam ay sina Aling Anabel at Mang Policarpio na nagungulila sa tinig ng kanilang paboritong brodkaster. Ayon sa kanila, magaling magpayo si Manong Joe at tinatama nito ang mga nakikitang mali kaya naman naghihinagpis sila sa pagkawala ng brodkaster.

Isa rin sa mga tagapakinig ni Manong Joe ang punong lungsod ng Gapan na si Mayor Emeng Pascual. Aniya, simula bata ay nasanay sila na boses ni Manong Joe ang naririnig nila sa umaga habang gumagayak sa eskwela.

Inalala naman ni Federico Manalili ng DZRH  si Manong Joe bilang isang mabait na boss. Ayon kay Federico, hands on ito sa paggabay at palagi silang tinuturuan ng maayos ni Manong Joe sa kanilang trabaho.

Isa sa mga naging dahilan upang mahalin si Manong Joe ng publiko ay ang pagkakaroon niya ng malasakit, integridad at kredibiliad sa kanyang pamamahayag sa programang Damdaming Bayan sa DZRH kung saan naibabahagi at napapakinggan ang mga opinion ng mga tagapakinig.

Si Manong Joe ay inihatid na sa kanyang huling hantungan ng kanyang mga kaanak, kaibigan, at mga tagahanga nitong nakaraang Sabado.

Pasado alas otso ng umaga nang matapos ang pagdadasal at pagbabasbas para kay Manong Joe sa loob ng kanilang ancestral home sa Lungsod ng Gapan. Pagkatapos ay inilabas na ang kabaong nito upang dalin sa Serenity Garden Chapel and Crematory sa Cabanatuan City kung saan ito naicremate.

Sinalubong din si Manong Joe ng kanyang mga kababayan na nadaanan ng kanyang convoy habang patungo sa lungsod ng Cabanatuan at Gapan.

Matapos ang mahigit sa dalawang oras na cremation ay idineretso ang mga abo ng beteranong brodkaster sa Three Kings Parish sa Gapan City kung saan nag-alay ng misa para kay Manong Joe.

Inilagay ang abo ng mga labi ni Mnaong Joe sa altar ng Three Kings Parish Gapan City kung saan nag-alay ng misa para sa kaniya.

Mula rito ay naglakad na ang mga nagmamahal kay Taruc patungong Gapan Memorial Garden upang ihatid na siya sa kaniyang huling hantungan.

Pansamantalang inilagay ang abo ni Manong Joe sa altar ng museleo ng pamilya Taruc habang hindi pa ito nagagawan ng lalagyan. Sumunod naman dito ang pagpapalipad ng puting lobo kasabay ng pagsigaw ng mensahe para kay Manong Joe.

Samantala, ibinahagi ng panganay na anak ni Manong Joe na si Jay Taruc na kahilingan ng ama na ipacremate ang katawan nito ‘pag siya’y pumanaw.

Si Joe Taruc  na isa sa mga itinuturing na haligi ng pamamahayag ay namayapa sa edad na 70 noong September 30 dahil sa komplikasyon sa puso. Naulila nito ang kanyang asawa, apat na anak at walong apo. –Ulat ni Irish Pangilinan