Mga gurong Novo Ecijano, hinandugan ng regalo at serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan

Labis na ikinatuwa ng mga guro ng Jaen North District ang mga giftpacks na natanggap mula sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina “Cherry” Umali sa ginanap na pagdiriwang ng Teacher’s Day kamakailan sa Pamacpacan Elementary School.

Hinandugan din ng provincial government ang mga guro ng ilang appliances na ginawang papremyo sa raffle.

Masayang tinanggap ni Maribel Bondoc, guro mula sa Ulanin Pitak Elementary School ang napanalunang washing machine sa raffle sa ginanap na Teacher’s Day Celebration sa Pamacpacan Elementary School.

Ayon kay Marissa Palon, hindi nila inaasahan ang natanggap na giftpacks na nakalaan para sa bawat isang guro sapagkat kaunting papremyo sa raffle lamang ang kanilang hiniling kaya naman lubos na pasasalamat ang kanilang ipinarating para sa pamahalaang panlalawigan.

Dagdag na nagpasaya pa sa mga guro ay ang mga nakakaindak na dance performance ng iba’t-ibang cluster. Habang ang ibang cluster naman ay nagpakita ng nakakaaliw na comedy skit.

Samantala, naghatid naman ng libreng serbisyo ang beauty caravan ng provincial government sa mga guro ng Sta. Rosa. Ilan sa mga serbisyong kanilang natanggap ay haircut, haircoloring at hotoil, manicure at pedicure, at massage therapy.

Nagsama-sama ang mga guro ng Sta. Rosa at si Konsehal Macoy Matias para sa Teacher’s Day Celebration kung saan hinandugan sila ng serbisyo ng Beauty Caravan ng Provincial Government.

Ayon kay Councilor Macoy Matias, malaking bagay na mabigyan ng day-off ang mga guro sapagkat hindi biro ang ginagawang pagdidisiplina at paggabay nito sa mga estudyante.

Masaya namang ipinaabot ng mga guro ang kanilang pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan para sa mga serbisyong kanilang natanggap.

Samantala, umarangkada rin ang beauty caravan sa Natividad Central Elementary School noong October 6. Nagtungo rin ito sa sa Palayan Central Elementary School at Fort Magsaysay Elementary School noong October 9. Nabigyan din ng serbisyo ang mga guro ng Gabaldon Central Elementary School noong October 10. Binisita rin ng beauty caravan ang Bongabon National High School nitong October 11 at nakatakda itong maghatid ng serbisyo sa mga guro ng Laur Central Elementarty School bukas, October 12. –Ulat ni Irish Pangilinan