Free Public Wi-Fi Project ng gobyerno, ibinaba na sa Nueva Ecija

Maaari ng kumonekta ng libre sa internet ang mga mamamayan ng siyam na bayan ng Nueva Ecija dahil sa Free Public Wi-Fi o Pipol Konek ng Gobyerno, na isa sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address.

Sa panayam kay PDRRMO Executive Officer Michael Calma, sinabi nito na sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Czarina Umali ay ibinaba ng Department of Information and Communications Technology ang naturang proyekto sa probinsya na naglalayong mabigyan ng free Wi-Fi services ang mga pampublikong lugar.

Ayon kay Maria Sinag Abello, Provincial Lead Team Officer ng DICT Nueva Ecija, siyam na bayan na sa lalawigan ang nalagyan nila ng Free Wi-Fi na kinabibilangan ng Nampicuan, Quezon, Licab, Zaragoza, Peñaranda, Sto. Domingo, Talugtug, Laur at Mamerto Natividad.

Pormal na binuksan ang Pipol Konek sa bayan ng Nampicuan noong lunes, October 2 at kahapon October 3 ay sa bayan naman ng Quezon, habang ngayong araw October 4 ay nasa bayan naman sila ng Licab.

Kasabay ng launching ng proyekto ang pagsasagawa ng Internet Media and Information Literacy Training ng DICT upang talakayin at turuan ang mga government employees, magsasaka, senior citizen at iba pang sector sa pagkonekta sa wi-fi, paggawa ng mga social media accounts, pangangalaga sa mga pampribado at mahahalagang impormasyon at pagiging responsable sa paggamit ng social media.

Sinabi ni Calma na mahalaga na ang bawat Novo Ecijano ay konektado sa internet upang maging updated sa mga kaganapan sa probinsya lalo na sa mga panahon ng sakuna, kung saan maaari nilang bisitahin ang facebook page ng Provincial Government of Nueva Ecija, PDRRMO Nueva Ecija at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ang pagkonekta sa Free Public Wi-Fi ay may 3 levels of access, sa level 1 o instant access ay 50 mb per device ang maaaring maaccess, sa level 2 ay nasa 100 mb kada user account ang data allocation, kinakailangan lamang magregister gamit ang captive portal ng alinmang Munisipyo na mayroong public access network, sa level 3 ay kinakailangan itong iapply sa opisina ng DICT upang maaccess ang 300 mb kada araw.

Kadalasang ikinakabit ang Free Public Wi-Fi sa mga Parke, Pampublikong Paaralan at Unibersidad, Silid Aklatan, Ospital, Community o Rural Health Unit, Istasyon ng Tren, Daungan, Paliparan, at Munisipyo.

Sa kasalukuyan ay aabot sa 13,024 ang bilang ng mga sites sa buong bansa na nalagyan ng free internet access.—Ulat ni Jovelyn Astrero