19 na pulis, 7 units at iba’t ibang sektor, pinarangalan sa 116th PNP Service Anniversary ng NEPPO

Tampok sa pagdiriwang ng Nueva Ecija Police Provincial Office ng 116th Philippine National Police Service Anniversary ang pagbibigay parangal sa labing-siyam na pulis at pitong units, at pagkilala sa kontribusyon at suporta ng dalawampo at walong indibiduwal.

Sa ginanap na programa sa gymnasium ng NEPPO sa Cabanatuan City, iginawad nina PSSUPT Antonio Yarra, Provincial Director at PCSUPT Amador Corpus, Regional Director, Guest of Honor and Speaker ang plaque of appreciation sa mga katangi-tanging opisyal at PNP units na nagpamalas ng husay sa kani-kanilang field at mga operasyon para sa taong 2017.

Ilan sa mga pulis na tumanggap ng parangal sina PSUPT Reynaldo dela Cruz, Best Senior PCO for Administration; PSINSP Gemma Lomboy, Chief, Provincial Personnel and Human Resource Development Branch, NEPPO, Best Junior PCO for Administration; PSINSP Jacquiline Gahid, Best WCPD PCO CY 2017; at SPO4 Juan Quinit Jr., Best Executive Senior Police Officer.

Sina PCSUPT Amador Corpus, PNP Region 3 Director at PSSUPT Antonio Yarra, Nueva Ecija Police Provincial Office Director.

Habang ang mga unit naman na binigyang pagkilala ay ang Gapan City Police Station, Best City Police Station; ang Guimba, Jaen, General Tinio Police Stations naman ay itinanghal bilang mga Best Municipal Police Stations; PPSC 2nd Maneuver Platoon, Best Maneuver Platoon, Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory, NSU of the Year for Administration; at Criminal Investigation and Detection Team, NSU of the Year for Operation.

Nangunguna naman si Governor Czarina Umali sa mga binigyan ng special award kasama ng walong Mayor sa lalawigan. Tumanggap din ng parangal ang mga indibiduwal mula sa religious sector, isa na rito si Rev. Fr. Abelardo ng Ako ang Saklay Inc. na katuwang ng kapulisan sa reformation and rehabilitation program ng mga drug surrenderees.

Pinagkalooban din ng pagkilala ang business sector, judiciary, prosecution and media sector, sa pamamagitan ng Nueva Ecija Press Club Inc. at TV 48 sa katauhan ni Philip “Dobol P” Piccio na kapartner ng NEPPO sa paghahatid ng impormasyon sa mamamayan.

Ibinida rin sa publiko ang mga baril, bala at mga parte ng motorsiklong narekober ng pulisya sa Double Barrel Operations, kasunod ang blessing at pagbubukas sa Sambisig Mini Park and Jogging Track na proyekto ni Provincial Director Antonio Yarra.

Dinaluhan ang selebrasyon ng mga tauhan ng NEPPO, representatives ng Philippine Army, mga pinuno at kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan at mga lokal na mamamahayag.- Ulat ni Clariza de Guzman