Kauna-unahang EGG Classroom Project and Disaster Command Center sa Pilipinas, binuksan sa Nueva Ecija

Pinangunahan kahapon ni Dating Governor Atty. Aurelio Matias Umali bilang kinatawan ni Governor Czarina Umali ang pormal na pagbubukas ng kauna-unahang EGG Classroom Project at Disaster Command Center sa bansa na magbibigay ng internet access pangunahin sa mga mag-aaral ng probinsya.

Ribbon cutting bilang pagbubukas ng EGG Classroom Project at Disaster Command Center sa Nueva Ecija sa pangunguna ni Former Governor Atty. Aurelio Matias Umali kasama ang Microsoft Philippines.

Ayon kay Atty. Umali, ang edukasyon ang naging prayoridad ng kanyang termino bilang Gobernador ng lalawigan, na siya ding prayoridad sa panunungkulan ng kanyang kabiyak at kasalukuyang Gobernadora na si Governor Cherry Umali, kung saan pinangarap nila ang pagkakaroon ng E-Library para sa mga Novo Ecijanong mag-aaral.

Aniya, isang hakbang patungo sa kanilang pangarap na E-Library ang pagkakaroon ng EGG Classroom Project sa probinsya.

Inaasahang makatutulong ng malaki ang EGG Classroom Project para mas mapataas ang antas ng edukasyon ng mga Novo Ecijanong mag-aaral.

Pitong EGG Classroom Project ang nakakalat sa buong lalawigan, isa sa Bongabon National High School, isa sa Peɦaranda National High School, Cabiao National High School, Zaragoza National High School, Sto. Rosario National High School, Bartolome Sanggalang National High School sa bayan ng Guimba at isa sa harap ng Old Capitol Building sa Lungsod ng Cabanatuan.

Dagdag ng dating Gobernador, hangad ng Pamahalaang Panlalawigan na magkaroon ng EGG Classroom Project ang lahat ng eskwelahan sa Nueva Ecija, pangunahin na ang mga malalayong paaralan.

Tinatayang aabot sa higit dalawampong milyong piso ang inilaang pondo ng Provincial Government para sa naturang proyekto. Aabot sa dalawampong mag-aaral ang kayang i-accommodate ng EGG Classroom Project.

Ang EGG Command Center ay central hub na magbibigay ng connectivity sa mga Pampublikong Paaralan at mga Ahensya ng Gobyerno sa pamamagitan ng TV White Space Technology, kung saan maaaring makakonekta online upang makakuha ng mahahalagang impormasyon.

Kapag ang isang lugar ay walang kuryente, ang EGG Command Center ay may kakayanang mag-generate o lumikha ng sariling elektrisidad sa pamamagitan ng solar panels nito. Maliban pa dito, gumagamit ito ng isang makina na kumukolekta ng tubig ulan na maaaring gamitin upang mapatubigan ang kabukiran o maaaring salain upang maging potable drinking water.—Ulat ni Jovelyn Astrero