Kaso ng dengue sa Nueva Ecija, bumaba ng 44.58 % ngayong taon ayon sa PHO

Batay sa datos ng Provincial Health Office, bumaba ng 44.58% ang kaso ng dengue sa Nueva Ecija.

Mula January hanggang June 3, 2017 ay umabot lamang sa 421 ang naitalang kaso sa lalawigan kumpara sa 761 na naitala sa parehong saklaw na petsa noong nakaraang taon.

Halos lahat ng munisipyo ay bumaba ang dengue cases maliban sa dalawang munisipyo na kinabibilangan ng Palayan City na tumaas ng 30% at Sta.Rosa na tumaas naman ng 33.33%.

Ngunit nangunguna pa rin ang Cabanatuan City sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng dengue na may 101 cases, pangalawa ang Zaragoza na may 37 cases, at Sta.Rosa na may 28 cases.

Sa kabila ng pagbaba ng kaso ng dengue sa lalawigan ay patuloy pa rin ang Department of Health at provincial government sa kanilang kampanya kontra dengue.

Nitong nakaraang Huwebes lamang ay isinagawa ang 7th Asean Dengue Day Commemoration sa bayan ng Zaragoza na may temang ‘’Search and Seek at ABKD o Aksyon Barangay Kontra Dengue na naglalayong mabigyan ng kamalayan ang lahat tungkol sa sakit na ito.

Sa isinagawang aktibidad, ipinaalala ng PHO na sundin ang 4S strategy ng DOH, ang Search and destroy breeding sites, Self-protection, Seek early advise, at Say yes to fogging when there is an impending outbreak and no to indiscriminate fogging.

Ibinida rin nila ang ilan sa mga hakbang na maaaring sundin upang maiwasan ang pagdami ng lamok. Ito ay ang sumusunod:

  1. Butasan, biyakin o kaya ay lagyan ng lupa ang mga gulong upang hindi maipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok.
  2. Takpan ang mga drum, timba at iba pang ipunan ng tubig upang hindi pamahayan ng kiti-kiti at linisin ito minsan isang linggo.
  3. Palitan ang tubig ng plorera o flower vase minsan isang linggo.
  4. Linisin at alisin ang tubig sa paminggalan o lalagyan ng mga plato.
  5. Itapon ang iba pang bagay na maaring pag-ipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok tulad ng lata, bote at tansan.
  6. Linisin ang alulod ng bahay upang hindi maipunan ng tubig at pamahayan ng kiti-kiti.

At ang huli, magpatingin sa health center kung may lagnat na ng dalawang araw.

Samantala, masaya namang ibinalita ng Provincial Dengue Coordinator ng Nueva Ecija na si Norberta Mallari ang pagkakaroon ng “Dengvaxia” o ang kauna-unahang dengue vaccine sa bansa.

Ito ay unang inilunsad sa NCR, Region IV-A, at Region III sa pamamagitan ng SBIP o School Based Immunization Program kung saan ipinamimigay ng libre sa mga Grade IV students sa lahat ng public elementary schools.

Bukod pa sa Dengvaxia ay ang implementasyon ng Dengue Rapid Diagnostic Test sa ilalim ng Administrative Order 2016-0043.

Kaya’t para sa lahat ng Novo Ecijano, ang panawagan ng Provincial Health Office..-ULAT NI JANINE REYES.