Game 5 ng 2017 NBA Finals, tinutukan ng mga Novo Ecijano; Golden State Warriors, nabawi ang kampeonato sa Cleveland Cavaliers

Milyun-milyong NBA fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nanood sa nagliliyab na game 5 ng 2017 nba finals sa pagitan ng Golden State Warriors at Cleveland Cavaliers.

Kabilang na rito ang mga Novo Ecijano na tumutok sa telebisyon mula sa mga tindahan, mga opisina, terminal ng jeep, terminal ng tricycle at maging sa mga karinderya.

Isa na rito ang jeepney driver na si Arnel Bernardo na tumigil muna sa pasada para lang mapanood ang finals.

Sa gitna pa lamang ng laro ay maririnig na ang iba’t ibang reaksyon at komento ng mga taga-suporta lalo pa’t matindi ang dikdikan ng scores ng magkabilang team.

Mayroong sumusuporta sa Cavaliers, at mayroon din naman sa Warriors.

Ngunit sa pagpasok ng final 24 minutes ng laro ay nagsimula nang magsaya ang mga taga-suporta ng GS dahil sa sunud-sunod na drive at tres ng koponan.

Hanggang sa matapos ang series sa 4 to 1 sa dictating tempo na Game 5 killer mode ng Warriors para mabawi ang kampeonato mula sa dating kampeon sa score na 129-120.

Ito na ang ikalawang titulo ng Golden State Warriors sa nakaraang tatlong taon, kung saan ang Cavs din ang kanilang nakasagupa.

Ang Golden State Warriors ang itinanghal bilang 2017 NBA Champions.

Si Kevin Durant ang itinanghal na 2017 NBA Finals Most Valuable Player na tumipa ng 39 points sa scoring battle sa Game 5.

Pumangalawa ang dating MVP na si Stephen Curry na tumipa ng 34 points.

Samantala, sa kabila ng pagkamada ni Lebron James ng halimaw na 41 points, 13 rebounds at 8 assists ay bigo pa rin ang Cavaliers na maulit ang makasaysayang pagkopo ng titulo. – ULAT NI JANINE REYES.