Mga mamamayang naoperahan sa mata ng libre sa San Antonio District Hospital, umabot na sa 252

Sa loob ng halos tatlong taon mula ng pasimulan ang Community Eye Health Program sa San Antonio District Hospital, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ay umabot na sa dalawang daan at limamput dalawa ang mga mamamayang nanganib na mabulag ang libreng naoperahan.

Sa datos ng naturang Hospital, sa unang apat na buwan ng programa noong 2014 ay apat naput isa ang matagumpay na naoperahan sa mata, pagdating ng taong 2015 ay limampu pa ang naoperahan, halos nadoble ang bilang na ito sa    pagtatapos ng 2016 kung saan isang daan at labing isa pa ang naoperahan at sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan ay nasa limampu na ang naooperahan.

Kahapon ay pitong mamamayan mula sa loob at labas ng Lalawigan ang naoperahan, lima sa mga ito ang may katarata habang ang dalawa naman ay may pugita sa mata.

Bago ang operasyon ay nagawa naming kapanayamin ang isa sa pitong naka-iskedyul upang operahan kahapon na si Purificacion Maulyon mula sa Bayan ng Bongabon.

Ayon dito, bilang Pangulo ng kanilang samahan sa Senior Citizen sa kanilang barangay ay pangangatawanan nitong mapaopera ang kanyang mga mata upang mahikayat na rin ang iba pa nilang kasamahan na natatakot magpa-opera.

Isa din sa aming naabutan sa nasabing pagamutan si Eduardo Jimenez na tiga Cabanatuan City, na limang buwan ng iniinda ang sobra ng panlalabo ng kanyang dalawang mata at hindi na magawang makapaglakad ng mag-isa ng walang aakay sa kanya.

Malaki aniya ang kanyang pag-asa na sa pamamagitan ng libreng operasyon ng San Antonio District Hospital at Pamahalaang Panlalawigan ay muling maibabalik sa normal ang kanyang paningin at muling makakapaghanap buhay para sa kanyang asawa at dalawang anak.

Dahil sa mataas na sugar ni Eduardo ay ipinagpaliban na muna ang kanyang operasyon at iniskedyul na lamang sa ibang araw.

Ilan sa mga kasong naikokonsultang problema sa mga mata ay ang katarata, error of refraction, pugita, dry eyes syndrome, conjunctivitis o sore eyes at iba pa. -Ulat ni Jovelyn Astrero