Postponement ng eleksyon, ok; Appointment, pag-aralan muna – Liga ng mga Barangay sa Pilipinas

Kinunsulta ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas o LBP ang opinyon ng mga halal na barangay sa lalawigan ng Nueva Ecija ukol sa panukalang pagpapaliban ng SK at Barangay Elections nitong darating na Oktubre at pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga barangay officials, sa ginanap na General Assembly ng LBP-Nueva Ecija Chapter, sa Palayan City.

Ayon kay Atty. Edmund Abesamis, National President ng LBP at Brgy Captain sa bayan ng Peñaranda , nagkaisang sinang ayunan ng mga opisyal ang panukalang postponement ng eleksyon sa darating na Oktubre.

Aniya, sa katunayan ay itinutulak nga nila na palawigin pa ang termino ng mga opisyal mula sa tatlong taon ay gawin itong limang taon.

Habang nilinaw ni Abesamis na hindi sila tutol, pagdating sa pagnanais ni Pangulong Digong na mag-appoint na lang ng mga opisyal ng barangay. Ngunit, hiling nila na suriin muna itong mabuti.

Marami aniyang bagay ang maisasa alang-alang kapag natuloy ito. Lalo na, namumukod tangi ang barangay sa lahat ng government units dahil sila lang kasi ang nagpapatupad ng tatlong functions sa gobyerno ang Executive, Legislative at Judicial.

Direkta namang nagpahayag ng pagtutol si Vice President Leni Robredo sa kaniyang pagdalo sa naturang pagpupulong, babalik na naman daw sa palakasan system kapag ito ay naipatupad.

Ito ang nakitang solusyon ng Pangulong Duterte, sa paniniwalang 40% ng opisyal ng barangay ay nasasangkot umano sa iligal na droga.

Aminado naman si Abesamis na mayroon talagang ilang opisyal ng barangay ang involved sa ipinagbabawal na gamot.

Ang payo ng Pangulo ng Liga, palakasin ang BADAC o Barangay Anti-Drug Abuse Council at sumalang sa drug testing upang mapatunayan na sila mismong namumuno sa barangay ay malinis sa ipinagbabawal na droga.

Sa kasalukuyan ay patuloy na umiikot ang LBP upang hingin ang opinyon ng barangay officials sa bansa. –ULAT NI DANIRA GABRIEL