1st Color Talavera Run, matagumpay!; Higit 1,500, nakilahok

Masayang nag zumba, tumakbo at naki party ang higit isang libo at limang daang kalahok sa ginanap na kauna-unahang Color Talavera Run, bilang bahagi ng kick-off celebration ng kapistahan ng naturang bayan.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng streching at zumba.

Eksaktong alas 5;40 ng hapon ng sabay-sabay na tumakbo ang mga partisipantes.

Bata, matanda ay game na game sa kakaibang karera habang binabasa ng tubig mula sa fire truck at sinasabuyan ng iba’t-ibang colored powder sa bawat kilometrong kanilang natatapos.

Magulo man ang itsura, ay mababakas sa mga mukha nila ang saya matapos yariin ang 2k, 3k at 5k run.

Kung saan, nag kampeon ang mag-ama na si Christian Tacutaco sa 2k at Isagani Tacutaco sa 3k. Habang si Raymund Torio naman ang nanguna sa 5k.

Matapos ang ilang oras na takbuhan, muling nag ipon-ipon ang mga kalahok para maki party kay GMA Star Ken Chan.

Habang sabay-sabay na inihagis paitaas ang colored powder na nagmistulang makapal na hamog.

Ayon kay Lito Fernando Presidente ng Kasapi Group of Companies na siyang host ng event, ang nalikom na pondo ay mapupunta para makatulong sa simbahan at bahay ampunan.

Dahil sa tagumpay ng event ay kinukulayan na ng mga organizer ang susunod na Color Talavera Run Part 2. –ULAT NI DANIRA GABRIEL