TESDA, mayroong Ghost Schools -Deputy Director General Diosdado Padilla

Ibinunyag ni tESDA o Technical Education and Skills Development Authority Deputy Director General Atty. Diosdado Padilla, na sa isinagawa nilang national audit ay napag-alaman na mayroong “ghost schools” o nonexistent na vocational-technical institutions sa bansa, sa ginanap na Nueva Ecija Press Club Media Forum, sa Cabanatuan City.

Ayon kay Padilla, nasampahan na ng kaso ang ilan sa mga eskwelahan habang ang ilan ay kasalukuyan pang iniimbestigahan.

Nilinaw naman ni Lani Romero, TESDA Provincial Director ng Nueva Ecija, na walang “ghost school” sa siyam na pung accredited na Voc-Tech Institutions sa lalawigan.

Layunin ng national audit, na linisin ang mga paaralan at hindi masayang ang pondo ng pamahalaan. Ito rin ay bahagi ng reporma sa 17 point agenda ng ahensiya sa ilalim ng pamumuno ng Administrasyong Duterte.

Samantala, naglunsad ang tESDA ng Barangay Skills Needs Mapping, na nagbibigay ng kakayahan sa mga miyembro ng barangay na mag rekomenda ng mga iskolar upang makapag enroll ng libre sa mga training courses ng TESDA.

Kasabay nito, ang pagmomonitor sa tinatawag na central data base sa 42,036 na barangay sa bansa, upang masiguro na ang mga nakatalang pangalan na nagsasanay ay totoong indibidwal at hindi ghost trainees.

Mayroong tatlong paraan, para sa mga interesadong maging iskolar ng ahensiya. Una, maaari kayong magpalista sa inyong barangay, pwede ring magpa register online, bisitahin lamang ang kanilang website sa www.tesda.gov.ph at ang huli ay mag walk in sa pinakamalapit na tanggapan ng tesda sa inyong lugar. –Ulat ni Danira Gabriel