Former Governor Oyie Matias Umali, naniniwalang ang edukasyon ay para sa lahat at walang pinipiling edad

Mahigit kumulang siyamnaraang estudyante ng Nueva Ecija University of Science and Technology ang matagumpay na nagtapos sa ginanap na 96th Degree and 112th Non-Degree Commencement Exercises nitong nakaraang Huwebes, April 27.

Isa sa kanila ay ang former governor na si Atty. “Oyie” Matias Umali na masayang umakyat ng entablado kasama ang kanyang asawa na si Governor Czarina “ Cherry” Domingo Umali upang tanggapin ang kanyang Master’s Degree sa kursong Public Administration.

Ayon sa dating gobernador, napakahalaga ng edukasyon dahil malaking bahagi umano ito ng pag-unlad ng isang tao. Wala umano itong pinipiling edad at ito ay para rin daw sa lahat.

SI FOR MER GOVERNOR ATTY. AURELIO “OYIE” UMALI KASAMA ANG KANYANG ASAWA NA SI GOVERNOR CZARINA “CHERRY” UMALI HABANG TINATANGGAP ANG KANYANG MASTERS DEGREE DIPLOMA SA KURSONG PUBLIC ADMINISTRATION SA NUEVA ECIJA UNIVERSITY OF SCIENCE AND TECHNOLOGY NITONG NAKARAANG HUWEBES, APRIL 27..

Paliwanag pa ni Atty. Umali, nais niya rin umanong magbigay ng inspirasyon sa kanyang mga anak kaya naman kahit na isa na siyang lawyer ay nagpupursige pa rin siyang mag-aral.

Sumaludo naman ang commencement speaker na si Commissioner Ronald Adamat ng Commission On Higher Education sa dati at kasalukuyang gobernador.

Maging si NEUST President Dr. Feliciana Jacoba ay nagpasalamat din sa patuloy na pagsuporta ng mag-asawa sa kanilang unibersidad maging sa ipinahiram na led screen, misting water fans at ipinagkaloob na bottled water para sa lahat ng dumalo sa seremonya. – ULAT NI JANINE REYES.