Earth Day 2017, ipinagdiwang ng PENRO

Ipinagdiwang ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO ang Earth Day 2017 nitong nakaraang Huwebes, April 20, sa Robinson’s Townville, Cabanatuan City.

Nakiisa sa naturang pagtitipon ang lokal na pamahalaan ng iba’t ibang bayan, media at iba pang sangay ng gobyerno.

Tema ngayong taon ang “Environmental and Climate Literacy” na naglalayong magbigay ng kaalaman tungkol sa kalikasan, unti-unting pagkasira ng mundo at kung paano ito mape-preserba lalo na ngayong nararanasan na ang climate change.

Sa nasabing pagtitipon, tinalakay ng dalawang resource speaker ang mas malawak na kaalaman tungkol sa climate change at clean and green ecology.

Ibinahagi naman ng Gabaldon Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ang kanilang karanasan sa mga nagdaang sakuna na kinaharap ng kanilang bayan, muling pagbangon at paghahanda kung sakali mang may dumating muling sakuna.

Samantala, bilang tanda ng pakikiisa at pakikipagtulungan sa kampanyang pagliligtas sa mundo, nagpamigay rin ang penro ng mahigit kumulang isandaang seedlings sa lahat ng mga dumalo.

Ito na ang ika-apatnapu’t pitong taon ng pagdiriwang ng Earth Day sa buong mundo na nagsimula pa noong 1970. – ULAT NI JANINE REYES.