Appointment ng Cabanatuan City Engineer, inaprubahan sa kabila ng hindi pagdalo sa SP

Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang appointment ni Engr. Lauro Pangilinan bilang Department Head I ng Engineers Office sa kabila ng pang i-isnab nito sa mga patawag ng SP.

Sa mosyon ni Kon. Emmanuel Liwag, Chairman ng Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability, ay hiniling nito na kumpirmahin ang appointment ni Engr. Pangilinan kahit hindi pa nito naipapasa ang mga hinihinging dokumento at apat na beses ng hindi dumadalo sa imbitasyon ng Sanggunian.

Ngunit, kinwestiyon ito ni Vice Mayor Anthony Umali. Aniya, hindi tama na basta-basta na lamang mag kumpirma ng mga posisyon sa kabila ng pambabalewala nito sa SP.

Katwiran pa ng Bise Alkalde, baka sa susunod ay hindi na rin sila pansinin ng mga kasunod na magpapakumpirma ng appointment.

Sumegundo rin si Kon. Nero Mercado na hayagan nagpahayag ng pagtutol, dahil ang isang bagay aniyang mali ng nasimulan ay mahihirapan ng ma-i-ayos kalaunan.

Sa kabila ng pagtutol ng mga kasamahan sa Sanggunian, ay ipinilit pa rin ni Kon. Froilan Valino ang pag tulak sa aprubasyon ng appointment ni Engr. Pangilinan. Kung saan, nag mosyon ito na magkaroon ng botohan o division of the house.

Kagaya ng inaasahan, sa botong siyam na Yes nina ABC Pres. Sergio Tadeo, Kon. Emmanuel Liwag, Kon. Mario Seeping, Kon. Ej Joson, Kon. Pb Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Epifanio Posada, Kon. Rosendo Del Rosario at Kon. Ruben Ilagan at isang No ni Kon. Nero Mercado, habang absent si Kon. Gave Calling ay tuluyan ng pinukpukan ang kumpirmasyon ng appointment ni Engr. Pangilinan.

Payo ni VM Umali, huwag ihalo ang pakikisama sa kaibigan sa pagganap ng trabaho bilang halal ng taong bayan.

Bagamat nakumpirma na ang posisyon ay hinihiling pa rin ng Sanggunian na ipasa ni Engr. Pangilinan ang mga nakatenggang dokumento. –ulat ni Danira Gabriel