VERGARA HI-WAY, SARADO NA NAMAN

Muli na namang isinara at hindi madaanan ang Felipe Vergara highway sa Cabanatuan city.

Sa ginanap na ika-siyam na regular na sesyon ng sangguniang panlungsod ng Cabanatuan kung saan dumalo si Engineer Lauro Pangilinan para sa kumpirmasyon ng kanyang posisyon ay ibinukas ni konsehal Nero Mercado ang isyu tungkol sa depektibong kalsada.

Kung ilang beses na kasing kinukumpuni ang sira-sirang hi-way na nagiging perwisyo sa mamamayan.

Concerned o ipinag-aalala na rin ng sanggunian ang panganib na dulot nito sa mga motorista dahil sa kakulangan ng warning signs.

Ang tagpi-tagping Vergara hiway sa Cabanatuan City.

Depensa ni Engineer Pangilinan, kumpleto ito ng mga babala at may kurdon pa daw. Sinisisi rin nito ang mga makukulit na motoristang pilit na dumaraan doon kahit na hindi daw mapigilan ng mga bantay na pulis.

Iginiit ni Engineer Pangilinan na foreman pa lang siya noong panahon na ginagawa ang Vergara hi-way at natuklasan na lamang umano niya na hindi magandang klase ng buhangin ang ginamit na panambak doon noong bumagsak na ito.

Ngunit bwelta ni Vice Mayor Anthony Umali, dapat na ginampanan nito ang kanyang trabaho na tiyaking siksik ang semento ng kalsada.

Paliwanag ng bise alkalde, responsibilidad ng sangguniang panlungsod na busisiin ang mga proyekto sa lungsod dahil pera ng taumbayan ang ginagastos sa pagpapagawa nito.- ulat ni CLARIZA DE GUZMAN