MGA MAMAMAYAN NG BRGY. DON MARIANO MARCOS SA BAYAN NG JAEN, NAGSASAYAW NG ZUMBA BILANG KAMPANYA KONTRA SA ILEGAL NA DROGA

Pagpatak ng alas siyete ng gabi, magtitipun-tipon na ang mamamayan ng Brgy. Don Mariano Marcos sa bayan ng Jaen, hindi para sa isang pagpupulong kundi para makisayaw sa zumba.

Ito ay dahil sa programang “Mamamayang Ayaw sa Droga, Magzumba” ng pamunuan ng barangay bilang isang paraan para mailayo ang mga mamamayan partikular na ang mga kabataan sa paggamit ng ilegal na droga.

GABI-GABING NAGTITIPUNITIPON ANG MGA MAMAMAYAN NG BRGY. DON MARIANO MARCOS PARA MAGZUMBA BILANG KAMPANYA LABAN SA PAGGAMIT NG ILEGAL NA DROGA.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Dennis Pascual, nagsimula ang nasabing programa nitong enero. Libre o walang bayad ang programa kaya naman maging ang ibang barangay ay nakikilahok na rin.

Isinasagawa rin nila umano ang programa bilang suporta sa USAD o United Stand Against Dangerous Drugs na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan.

Patok na patok ang programa, hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa mga matatanda. Ayon sa mga residenteng kalahok, enjoy na enjoy sila sa pagzuzumba dahil malaki raw ang nagiging tulong nito sa kanilang pangangatawan.

Samantala, bukod sa zumba ay may iba pang programa ang barangay kontra sa droga. –Ulat ni JANINE REYES.