COMMUNITY VOLUNTEERS NG KALAHI CIDSS REGION III, PINASALAMATAN NG DSWD

Isang araw na selebrasyon ng pasasalamat ang isinagawa ng Department Of Social Welfare And Development Field Office III para sa mga community volunteers ng programa nilang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Service o KALAHI CIDSS , nitong nakaraang Biyernes, March 17, sa Cabanatuan City.

Ito ang kauna-unahang Community Volunteers’ Day ng nasabing programa na dinaluhan ng mahigit sa apatnaraang miyembro nito  mula sa tatlong bayan ng lalawigan na kinabibilangan ng Quezon, Talugtug at General Mamerto Natividad.

NAGTIPUN-TIPON ANG MAHIGIT 400 NA COMMUNITY VOLUNTEERS NG KAPIT BISIG LABAN SA KAHIRAPAN – COMPREHENSIVE AND INTEGRATED DELIVERY OF SOCIAL SERVICE (KALAHI CIDSS) PARA SA ISANG ARAW NA SELEBRASYON NG PAGPAPAHALAGA AT PASASALAMAT HATID NG DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT REGION III.

Ang KALAHI CIDSS ay programa ng DSWD, kung saan ibinibigay sa mga volunteers ang kapangyarihan sa pagtukoy ng problema sa komunidad at pagpaplano para sa solusyon nito, habang ang pondo naman ay magmumula sa gobyerno.

Ayon kay maria Danielle Lomboy, Social Marketing Officer ng KALAHI-CIDSS Region III, isinagawa nila ang selebrasyon bilang pasasalamat sa pagsusumikap ng mga volunteers para sa ikauunlad ng kanilang komunidad at pagbibigay-serbisyo ng mga ito kahit na walang sweldong natatanggap.

Paliwanag naman ng Assistant Regional Director for Administration ng DSWD Region III na si Irene Crespo, dalawampu’t dalawa ang natapos na proyekto sa tatlong bayan mula sa dalawang community empowerment activity cycles, habang labintatlo naman ang kasalukuyan pang ginagawa, ito ay dahil umano sa pagsisikap ng mga volunteers.

At upang lalong maisulong ang dedikasyon ng mga volunteers sa implementasyon ng Community-Driven Development (CDD), inimbita sa pagdiriwang si Maximo Altea, Jr. na isang community leader mula sa Calabarzon, bilang inspirational speaker.

Samantala, labis naman ang kasiyahan ng mga community volunteers sa espesyal na araw na inialay para sa kanila.—ULAT NI JANINE REYES.