Pagbibigay ng kabuhayan sa mga kababaihang miyembro ng kooperatiba, prayoridad ng PCEDO

Prayoridad ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office ang pagbibigay ng livelihood project sa mga kababaihang miyembro ng TALA o Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija.

Sa ginanap na quarterly meeting ng Municipal and Barangay leaders ng TALA, inilahad ni PCEDO Officer in Charge Elvira Ronquillo ang direktiba ni Governor Czarina Umali na humanap ng mga institusyon na makaka-partner ng kooperatiba upang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga kababaihan.

Matapos ang pagpupulong, iprinisenta ng Lawndale Finance Company-Kasanib sa Pag-abot ng Pangarap Incorporated ang kanilang serbisyo para sa pagpapautang ng puhunan, trainings and seminars para sa livelihood projects.

Ang Municipal and barangay leaders ng TALA habang nagsasagawa ng quarterly meeting sa Auditorium, Old Capitol Building Cabanatuan City.

Ayon kay Charilyn Valino ng Lawndale, unang proyekto nila ang paggawa ng doormat at basahan na ibinebenta sa SM Malls. Sa halagang Php10.00 ay makabibili na ng isang kilo ng mga retaso ng tela na makabubuo ng dalawang sala-salang doormat na binibili ng kompanya ng kinse pesos. Kaya sa puhunang sampong piso ay kikita na ng bente pesos.

Dahil umano  sa malaking demand na umaabot sa 6, 000 pieces kada buwan ay hinihikayat ng Lawndale ang mga kababaihan na libreng mag-aral ng pananahi ng iba’t ibang basahan sa kanilang training center sa barangay Cabu, Cabanatuan City.

Samantala, bilang selebrasyon naman ng TALA sa “Pambansang Buwan ng Kababaihan” ay nagkaroon din ng parlor games kung saan masayang nagpakitang gilas ang bawat grupo mula sa lungsod ng Cabanatuan at mga bayan ng Zaragoza, Bongabon, Laur, Gabaldon, General Natividad, General Tinio, Talavera, Sto. Domingo, at Guimba.- ulat ni Clariza de Guzman