Pangarap ng ama, tinupad ni PMA Class of 2017 Topnotcher Cadet First Class Rovi Mairel Martinez

Bakas sa mukha ng mga magulang ni PMA Class of 2017 topnotcher Cadet 1st Class Rovi Mairel Martinez na taga Fortaleza, Bangad, Cabanatuan City, ang labis na kaligayahan dahil sa nakamit nitong parangal.

Hindi sukat akalain ni Kagawad Mariel Martinez, ama ni PMA Class of 2017 Topnotcher Cadet 1st Class Rovi Mairel Martinez na tubong Cabanatuan City na matutupad nito ang kanyang naunsyaming pangarap na maging sundalo.

Ayon sa kanyang amang si Kagawad Mariel Martinez, pinangarap nito noon na maging isang sundalo ngunit hindi pinalad na makapasa, kaya sa pamamagitan ng kanyang anak ay natupad na rin ang kanyang matagal ng pangarap.

Hindi rin aniya nila akalain na magta-top 1 ang kanyang anak dahil hinangad lamang nila na makapasa ito at maging ganap na sundalo.

Photo credit: PMA Facebook page

Kwento naman ng ina ni Mairel na si Ruby, mabait na bata at natural na masipag mag-aral ang kanilang bunsong anak, nagtapos ito sa Elementarya bilang Salutatorian at naging Presidential Scholar noong mag-Kolehiyo sa Araullo University.

Sa kabila ng mga text messages at tawag na natatanggap nila mula kay Mairel tungkol sa hirap na pinagdaraanan nito sa PMA ay nananatili pa ring matataas ang kanyang grado.

Isang taon na lamang ang dapat na guguguling panahon ni Mairel noon sa Kolehiyo sa kursong Accountancy nang subukang kumuha ng eksaminasyon sa PMA, na naipasa nito.

Pananalig sa itinuturing nitong “Backer” at panalangin ang naging sandigan ni Mairel upang mag-top sa kanilang klase at upang abutin ang matagal nang pinangarap ng kanyang ama na maging isang ganap na sundalo.

Mensahe ng mag-asawa kay Mairel na maging isang mabuti at huwaran itong sundalo, patuloy na manalig sa Panginoon upang mailayo sa anumang kapahamakan at manatiling maging mapagkumbaba sa kapwa.

Samantala, inaprubahan naman ng Sangguniang Panlungsod ang pagpapasa ng isang resolusyon na magbibigay pagkilala sa karangalang nakamit ni Mairel.

Dinomina ni Mairel ang 167 na miyembro ng SALAKNIB o Sanggalang ay Lakas at Buhay para sa Kalayaan ng Inang Bayan, at tatanggap ng labing isang awards, kabilang ang Presidential Saber, Philippine Navy Saber, Cum Laude, Academic Group Award, Social Science Plaque, Navy Professional Courses Plaque, Spanish Armed Forces Award, Australian Defence Best Over-All Performance Award at iba pa. –Ulat ni Jovelyn Astrero