SSS: Dagdag benepisyong P1,000, matatanggap na 3x ngayong Marso

Malaki ang pasasalamat ni Mang Feliciano, sisenta’y sais anyos at anim na taon ng nakikinabang sa mga benepisyo ng Social Security System dahil madaragdagan na ang dati niyang tinatanggap na P2,500 kada buwan simula ngayong buwan ng Marso.

Matapos nga ang dalawang buwang paghihintay, ay matatanggap na ng mahigit dalawang milyong pensioners ang dagdag benepisyo.

Ito ay kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte at pag-ayos ng SSS sa bangko at kanilang it system bunga ng bagong kompyutasyon ng buwanang pensyon ng ahensiya.

Ang dagdag na pension ay retroactive kaya ang paunang P1,000 ay matatanggap sa ‪March 3 para sa buwan ng January, P1,000 din sa ‪March 10 para naman sa February at ang huling P1,000 ay sa ‪March 17 para sa buwan ng Marso.

Pagtungtong ng buwan ng Abril, matatanggap ang dagdag na P1,000 pension batay sa kung ano ang regular na schedule ng pagbibigay ng kanilang pensyon.

Siniguro ng ahensiya, na kung ano mang benepisyo ang natatanggap ngayon ng mga pensiyado ay makukuha rin ng mga future pensioners.

Ngunit, ang tanong naman ng mga nauna ng nakatanggap ng kanilang 18 months  retirement lump sum. Sakop pa din kaya sila?

Hiling ng SSS sa mga pensioner, laging mag report sa ACOP o Annual Confirmation Of Pensioners upang matiyak aniya ng ahensiya ang patuloy na pagtanggap ng benepisyo ng mga tamang beneficiaries.

Kabilang sa mga makatatanggap ng dagdag-pensiyon ang mga retirado, mga naulila ng mga miyembro at ang mga permanently disabled. –Ulat ni Danira Gabriel