Bingo Fiesta ng Prov’l Gov’t sa Bayan ng Quezon, dinumog

Punong-puno ang Gymnasium ng Bayan ng Quezon dahil sa libo-libong mamamayan na nakiisa at nakisaya sa Bingo Fiesta na inihandog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Czarina “Cherry” Umali, at sa pakikipagtulungan ni Former Governor Aurelio Matias Umali.

   Hindi magkamayaw ang mga mamamayan ng Quezon dahil sa mga papremyong hatid ngpabingo, kabilang dito ang tatlong Pangkabuhayan Showcase worth 10,000 pesos na may kasama pang isang kaban ng bigas, dalawang Brand new Tricycle, appliances, cellphones at grocery packs.

   Dahil sa dami ng tao ay nagbigay pa ang mag-asawang Umali ng karagdagang cash prize na tinapatan din ni Mayor Boyet Joson, na lalong nagpasigla at nagpanabik sa mga mamamayan doon.

   May mga naiyak, nagtatatalon sa tuwa, at hindi makapaniwala dahil sa mga papremyong kanilang napanalunan, isa na dito ang single parent na si Jessica Quinet ng Brgy. San Miguel na nanalo ng isang brand new tricycle.

   Ayon dito, muntik na siyang mawalan ng pag-asang tatama pa sa bingo kaya halos hindi ito makapaniwala na mayroon na itong maiuuwing bagong tricycle na kanilang magagamit upang ipanghanap-buhay.

   Hindi rin sukat akalain ng isa ding single mother na si Cristina Santiago ng Brgy. Sto. Thomas Feria na mananalo siya ng isang Sari-sari Store showcase kaya labis din ang pasasalamat nito dahil sa malaking oportunidad na naipagkaloob sa kanya.

   Ilan lamang sina Jessica at Cristina sa mga nanalo at umuwing may ngiti sa mga labi dahil sa mga papremyong pangkabuhayan na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan.

   Samantala, sa mensahe nina Gov. Cherry at First Gentleman Oyie Umali ay pinasalamatan ng mga ito ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga mamamayan ng Bayan ng Quezon. –Ulat ni Jovelyn Astrero