Pagpapasinaya ng Brgy. Hall at 2 Gym sa Bayan ng Cabiao, pinangunahan ni Gov. Czarina Umali

   Kasabay ng pagdiriwang ng 169th Founding Anniversary ng Bayan ng Cabiao ay pinasinayaan na ang Barangay Hall at Gymnasium sa Brgy. Entablado at isang Gymnasium naman sa Brgy. Polilio na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina “Cherry” Umali.

   Sa mensahe ni Gov. Cherry ay pinuri nito si Mayor Ramil Rivera dahil sa isa-isa na nitong isinasakatuparan ang mga proyektong ipinangako nito sa mga Cabiawenyo.

   Ayon sa Gobernadora, napakahalaga na ang isang Punong Bayan ay nakapagpapagawa ng iba’t ibang proyekto para sa kanyang nasasakupan bilang pagganap sa tungkulin at bilang katuwang na rin ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng serbisyo sa taong bayan.

   Ang papuring ito ay bunsod ng pag-aanunsiyo ni Mayor Rivera sa naganap na pagpapasinaya, sa mga proyektong nasimulan na nito at gagawin pa para sa buong taon maliban pa sa mga proyektong ipinagkakaloob sa kanilang bayan ng Provincial Government.

   Kabilang sa kanyang inanunsyo sa Brgy. Entablado ay ang libreng pabahay na nilaan nila ng mahigit sa dalawang milyong pisong pondo, para sa mga pamilyang naninirahan sa tabi ng mga ilog upang hindi na mangamba ang mga ito sa maaaring maidulot ng mga darating na sakuna.

   Ginarantiyahan din nito na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Cabiao at Provincial Government ay magpapatuloy pa ang pagdating ng iba pang kapaki-pakinabang na mga proyekto para sa lahat ng mga Cabiawenyo. –Ulat ni Jovelyn Astrero