P5M, inilaan ng Pamahalaang Bayan ng Gabaldon pambili ng Backhoe

   Inaasahang makabibili ng Second Hand Japan Surplus Backhoe ang Pamahalaang Bayan ng Gabaldon ngayong Enero na gagamitin para sa paghuhukay sa Dupinga River.

   Mula sa 5% calamity fund ng mahigit sa 115 million pesos Annual Budget ng Lokal na Pamahalaan ng Gabaldon ay naglaan ang mga ito ng P5M pesos na pondo para dito.

   Ayon kay Mayor Rolando Bue, nauna na silang nagpadala ng request letter sa DPWH upang mapondohan ng mahigit sa P75M ang dredging at desilting ng Dupinga River, ngunit base sa naging sagot aniya ng Tanggapan ay sa 2018 pa ito maaaring mapondohan.

   Aminado si Mayor Bue na patuloy itong nangangamba sa kasalukuyang sitwasyon ng Dupinga River, na maaaring magdulot ng malaking pinsala sa muling pagsalanta ng malalakas na bagyo.

   Patuloy naman aniya ang ugnayan at tulungan ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Gabaldon at Pamahalaang Panlalawigan upang mahukay at maialis ang mga nakadepositong bato at buhangin sa naturang lugar.

   Matatandaan na naglaan rin ng P80M na pondo ang Provincial Government ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Czarina Umali upang bumili ng mga karagdagang equipment para patuloy na makatulong sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng magkasunod na bagyong Lando at Nona noong 2015, isa na dito ang Bayan ng Gabaldon. –Ulat ni Jovelyn Astrero