Vice Mayors sa Central Luzon, lusot sa Narco-Politicians List

   Nakahinga ng maluwag ang mga Vice Mayor ng Region 3 ng ibalita ni Deputy Regional Director for Administration Police Senior Superintendent Graciano Jaylo Mijares na walang sinuman sa hanay ng mga  Bise Alkalde sa Central Luzon ang dawit sa “Narco-Politicians List” na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

   Ayon kay PSSupt Mijares, maganda itong balita para sa mga lokal na opisyales sa rehiyon.

   Labis namang ikinatuwa ni Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) Region 3 Chairman Anthony Umali ang magandang resulta.

   Samantala, patuloy ang ginagawang imbestigasyon kina Mabalacat City, Pampanga Mayor Marino Morales at San Rafael, Bulacan Mayor Goto Violago na kamakailan ay pinangalanan na dawit sa unang listahan ng pangulo. Habang ang sampung kapulisan na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ay nakalinya na para mapatalsik sa serbisyo.

   Sa datos na iprinisinta ni Mijares, 75,000 na ang sumuko na drug users at pushers sa buong rehiyon mula ng magumpisa ang kampaniya ni Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga.

   Mahigit naman sa 5,000 katao ang naaresto ng kapulisan. Habang nasa 372  pulis ang nasugatan at napatay sa mga operasyon.

   Sa ngayon ay nakatuon na ang atensiyon ng pamahalaan at kapulisan sa ikalawang bahagi ng Oplan Double Barrel o tinatawag na Project: Double Barrel Alpha na sumesentro sa mga high value target kagaya ng mga local officials, empleyado ng gobyerno at pribadong kumpanya, entertainment industry, mga eskwelahan at manggagawa sa pabrika.

   Kaya naman, umaapela ng tulong si PSSupt Mijares sa mga Bise Alkalde na tulungan sila sa pagsugpo ng ilegal na droga sa rehiyon. Lalo na, humingi na ng anim na buwang extension ang Pangulo.

   Siniguro naman ni VMLP Chairman Umali na maasahan ng pamahalaan at kapulisan ang kanilang buong suporta sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot. -Ulat ni Danira Gabriel