Polisiya ng Nat’l Greening Program, magbabago sa administrasyon ni Pangulong Duterte

Si Provincial Environment and Natural Resources Officer Leovino Ignacio habang nagpapaliwanag sa ginanap na Sierra Madre Summit sa Gabaldon, Nueva Ecija.

Si Provincial Environment and Natural Resources Officer Leovino Ignacio habang nagpapaliwanag sa ginanap na Sierra Madre Summit sa Gabaldon, Nueva Ecija.

   Prayoridad umano sa pagpapatuloy ng National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources ang mga bayan ng Gabaldon, Laur, at Bongabon na mga nasalanta ng magkasunod na bagyong Lando at Nona.

   Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay PENRO Leovino Ignacio, inihayag nito na magkakaroon ng mga pagbabago sa polisiya ng NGP sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at DENR Secretary Gina Lopez Roy.

   Ang National Greening Program ay ang malawakang rehabilitasyon sa mga kagubatan na ipinatupad sa bisa ng Executive Order Number 26 ni dating Presidente Benigno Aquino III na layong makapagtanim ng 1.5 Billion trees sa 1.5 bilyong ektaryang lupain sa buong bansa mula taong 2011 hanggang 2016.

   Mas pinalawig ang naturang programa sa pamamagitan ng Executive Order 193 na pinirmahan ni Nonoy Aquino noong Novemebr 12, 2015 upang isama sa reforestation ang iba pang kalbong kagubatan hanggang 2028.

   Ilan sa mga naging isyu kaugnay ng NGP ang korupsyon, at maling kaisipan sa pagpapatupad nito.

Photo credits PENRO-Nueva Ecija.

Photo credits PENRO-Nueva Ecija.

   Pangunahing kinuwestiyon ng mga Civil Society Organizations ang pagtatanim ng mas maraming exotic trees katulad ng mahogany, at gmelina na hindi naman umano angkop sa kapaligiran ng Pilipinas imbes na Indigenous trees kagaya ng Narra, at Lauan kung saan nakakapag-pugad ang mga ibon, at nakakain ng mga hayop ang bunga nito.

   Sa ginanap na Sierra Madre Summit, tinuligsa ng mga grupong AKAP o Alternatibong Kalusugan sa Pamayanan, PAMANA o Panlalawigang Alyansa ng Magsasaka sa Aurora, JPAG o Justice and Peace Action Group, at Bataris ang programa dahil sa pakikipag-partner ng gobyerno sa IDC o Industries Development Corporation.

   Paliwanag ni PENRO Ignacio, sa bagong patakaran tatanggalin na ang pakikipag-kontrata sa mga malalaking kompanya at korporasyon kapalit ang rehistradong People’s Organizations upang magtanim ng katutubong puno, tulad ng Narra, fuel trees na Ipil-ipil, Agro-forestry, fruit-bearing trees kagaya ng Mangga, langka, at kasoy.

   Sa itaas na aniya ng mga kabundukan ang tinukoy na reforestation site na maaaring kumpirmahin sa pamamagitan ng GPS o Global Positioning System. Kasama rin sa paglulunsaran ng NGP sa lalawigan ang mga bayan ng Pantabangan, at Carranglan.- ulat ni Clariza de Guzman