Bangkay ng lalaking biktima umano ng summary execution, natagpuan sa bakanteng lote; Radiator repairman, pinagbabaril ng mga suspek na nakasakay sa kotse, patay

   Pinaniniwalaang isa na namang biktima ng summary execution ang bangkay ng isang lalaking natagpuan sa bakanteng lote sa Purok Singko, Barangay Bakal 2, Talavera.

Ang bangkay ng videoke operator na si Dennis Fermin na natagpuan sa Bakal 2, Talavera.

Ang bangkay ng videoke operator na si Dennis Fermin na natagpuan sa Bakal 2, Talavera.

   Kinilala ang biktimang si Dennis Fermin y Untalan, 25-anyos, may asawa, videoke machine operator, at residente ng Palusapis, Science City of Muñoz.

   Ayon kay Cornelio dela Cruz, isang magsasaka, 6:00 ng umaga nakasakay siya ng bisikleta patungong bukid nang madiskubre niya ang biktima na nakagapos ang mga kamay at paa, nakapiring ang mga mata at sinakal ng transparent plastic.

   May nakapatong ding placard sa katawan ni Fermin na may nakasulat na “POSER MANG-AAGAW NG ASAWA CARNAPPER”.

   Narekober ng Soco sa crime scene ang isang unit ng kulay black na Kawasaki Suzuki Raider J 115FI na walang plate number na inaalam pa kung pag-aari ng biktima o hindi.

   Sta. Rosa- Patay ang isang radiator repairman matapos pagbabarilin ng mga suspek sakay ng isang kotse sa kahabaan ng Sta. Rosa-Tarlac road sa Purok 6, barangay Sto. Rosario.

Ang motorsiklo na naiwan sa gilid ng kalsada sa Sto. Rosario, Sta. Rosa kung saan pinagbabaril si Flaviano Obina.

Ang motorsiklo na naiwan sa gilid ng kalsada sa Sto. Rosario, Sta. Rosa kung saan pinagbabaril si Flaviano Obina.

   Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril ang biktimang si Flaviano Obina y Mendoza alyas Toyet, 42, may asawa, at naninirahan sa barangay Rajal Centro ng nasabing bayan.

   Base sa imbestigasyon ng Sta. Rosa Police Station, 5:00 ng hapon, naka-angkas ang biktima sa Honda XRM na minamaneho ng kaniyang anak na si Quebert Obina y Perez papuntang bayan ng Zaragoza nang paputukan ng sunud-sunod ng mga hindi nakilalang salarin lulan ng isang Toyota Vios na kulay itim, at walang plaka.

   Kaagad na isinugod ni Quebert ang ama sa Doctor’s Hospital, Cabanatuan City ngunit hindi na ito umabot na buhay. Samantala ang mga suspek ay tumakas patungong kanlurang direksyon.

   Nasamsam ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng bala ng 9mm, at isang piraso naman ng Caliber 40.- ulat ni Clariza de Guzman.