Pamamahala sa Senior Citizen Center ng Cabanatuan, pinagtatalunan; FSCAP,umapela sa Sangguniang Panlungsod

   Umapela ang Federation of the Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) sa Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan, ukol sa pag-a-alis ng karapatan sa kanila na pamahalaan ang Senior Citizen Center, na nakatayo sa Kapitan Pepe, Cabanatuan City.

   Sa ngayon, ay nasa ilalim ng pamamahala ng FSCAP ang Senior Citizen Center na pinagdarausan ng iba’t-ibang aktibidad ng kanilang organisasyon.

   Base sa rekomendasyon ng Committee on Social Welfare, Women and Family at Committee on Laws, Rules and Regulations, nararapat umanong amyendahan ang Ordinance no. 96-282 na ini-akda ni Kon. Gave Calling, sa paglipat ng pamamahala ng Senior Citizen Center mula sa FSCAP patungo sa Office for Senior Citizens Affair (OSCA).

   Ang resolusyon ay nasa ilalim ng pag-aaral ng Committee on Social Welfare, Women and Family na pinamumunuan ni Kon. Epifanio Posada at Committee on Laws, Rules and Regulations na pinamumunuan ni Kon. EJ Joson.

   Sa pahayag ni Kon. Calling, ang ordinansa ay kaniyang isinulat sa ilalim ng pamamahala ng FSCAP dahil ito lamang ang natatanging organisasyon noon ng Senior Citizens.

   Paliwanag pa ni Calling, taong 1995 hanggang 1996 pinagkalooban ng pondo ng FSCAP-Region 3 ang FSCAP-Cabanatuan, upang makapagpatayo ng sarili nilang gusali. Kasabay nito, ay sumulat aniya ang FSCAP Cabanatuan kay Mayor Manolet Liwag upang humingi ng lupa para tayuan ng naturang gusali.

   Nakatakdang magsagawa ng agarang Committee Hearing ang Social Welfare, Women and Family at Laws, Rules and Regulation at FSCAP upang mabigyang linaw ang naturang isyu. -Ulat ni DANIRA GABRIEL