Mga magsasakang nagtagumpay sa industriya ng kalabaw, bida sa 2ND National Carabao Conference

   Nagsipag, nagnegosyo, nagtagumpay!

   Ang mga magsasaka na umasenso sa industriya ng kalabaw sa ilalim ng Carabao Development Program (CDP) ang ibinida sa Ikalawang National Carabao Conference (NCC), na ginanap sa Philippine Carabao Center (PCC), Science City of Muñoz.

   Isa na rito si Aling Catalina Visda, na nagtagumpay dahil sa pag-a-alaga ng kalabaw. Aniya, ilang buwan lamang mula ng mapagkalooban siya ng PCC ng isang gatasang kalabaw ay naparami na niya ito sa labing apat na kalabaw. Kung saan, kumikita siya ng hindi bababa sa P12,000 – P20,000 kada buwan.

   Isa lamang si Aling Catalina sa libo-libong nagpapatotoo na may kita sa paghahanap-buhay ng kalabaw.

   Sa pahayag ni Arnel Del Barrio Acting Executive Director ng PCC, layunin ng taunang pagtitipon na maibahagi at maipalaganap pa ang mga teknolohiya, kasanayan at mga ideya upang lalong sumigla ang industriya ng pagkakalabaw sa bansa.

   Ito ay dinaluhan ng mga kalahok, katiwala at lahat ng may pakinabang sa industriyang salig ng kalabaw.

   Bagamat hindi nakadalo si Gov. Czarina “Cherry” Umali sa naturang komperensya, ay ipinaabot naman niya kay Allan Ponce Senior Consultant and Program Adviser ng Punong Lalawigan ang kaniyang mensahe.

   Sa laman ng mensahe ni Gov. Umali ay kaniyang ipinahiwatig ang maigting niyang suporta sa agrikultura ng probinsiya. Kung saan, hangad nito na bukod sa pagiging Rice Granary at Onion Capital of the Phillipines ay hangad din ng Gobernadora na maging Dairy Capital ang lalawigan.

   Ang taunang gawain ay tumagal ng dalawang araw (Nov. 14 – 15, 2016) bilang bahagi ng patuloy na pagpupursige ng gobyerno na ma-i-angat ang antas ng kabuhayan ng mga magsasaka, magbigay ng sapat at malusog na pagkain sa mga mamamayan at mapalakas ang sektor ng lipunan. -Ulat ni Danira Gabriel