Bingo Fiesta na handog ng Pamahalaang Panlalawigan, naghatid ng pangkabuhayan sa mga mamamayan ng Bayan ng Cuyapo

   Hindi napigilan ni Aling Evelyn Garcia ang maiyak nang mapanalunan nito ang isang Sari-sari Store Showcase worth P10, 000 at isang kabang bigas sa Bingo Fiesta na handog ng Provincial Government sa pangunguna ni Governor Czarina Umali.

   Ayon sa kanya, dati na itong may maliit na tindahan ngunit dahil sa kakulangan sa pinansyal ay naisara ito, kaya naman labis ang kanyang pagpapasalamat dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang muling makapagnegosyo.

   Nagtatatalon naman sa labis na katuwaan si Aling Delma Mauricio na nanalo din ng Sari-sari Store Showcase at isang kabang bigas.

   Simpleng may bahay lamang aniya siya at magsasaka naman ang kanyang asawa, kaya maganda aniyang simula para sa kanyang pamilya ang mabiyayaan ng pangkabuhayan showcase na ipinangakong palalaguin nito.

   Dinumog ng libu-libong mamamayan ng Cuyapo ang Municipal Gym kung saan ginanap ang Bingo Fiesta na labis ang naging katuwaan lalo na nang dumating si Governor Cherry Umali na nagdagdag ng halagang P20, 000 cash prize.

   Ibinalita rin ni Governor Cherry na muling magpapabingo ang Pamahalaang Panlalawigan sa naturang lugar sa buwan ng Abril sa susunod na taon na lalong ikinagalak ng mga mamamayan doon.

   Maliban sa dalawang Sari-sari Store Showcase na ito ay isang Suzuki CT 110 na Tricycle, Kaban-kabang bigas, Electric fan, Cellphones, Cash Prizes at Grocery Packs ang mga ipinamigay. –Ulat ni Jovelyn Astrero