Bayan ng Gabaldon, Laur, Palayan City, binisita ni First Gentleman Atty. Aurelio Umali

   Personal na binisita ng Ama ng Lalawigan Atty. “Oyie” Umali ang Gabion Dike na kasalukuyang ipinapagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. “Cherry” Umali  sa Brgy San Vicente, bayan ng Laur.

   Ang Gabion Dike ang magsisilbing harang ng barangay tuwing panahon ng tag-ulan, kung saan rumaragasa ang malakas na buhos ng tubig na may kasamang mga bato at buhangin na nagmumula sa kabundukan ng Sierra Madre.

   Ayon kay Brgy Capt. Reymundo Lulunan ng Brgy. San Vicente, malaking tulong ito upang hindi na mapinsala ang kaniyang mga residente sa mga susunod na kalamidad.

   Matatandaan na nauna nang nasira ang dike sa idinulot na malakas na buhos na ulan ng Bagyong Lando at Nona noong nakaraang taon, na pumasok sa kalsada  at mga kabahayan ng naturang barangay na nagdulot ng labis na pagkawasak nito.

   Tinatayang nasa P30 Milyong Piso naman ang inilaang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan sa 2017 budget upang makumpleto ang proyektong Gabion Dike sa naturang barangay.

   Samantala, isang araw bago dumating ang Bagyong Karen ay nakaantabay na ang Ama ng Lalawigan sa Command Post ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), upang bantayan ang mga kaganapan sa kasagsagan ng bagyo.

   Naupo din ang First Gentleman sa Special Live Broadcast ng programang TV48 at DWNE upang magbigay ng mga impormasyon ukol sa bagyo na nakagawian nito tuwing sasapit ang mga panahon ng kalamidad.

   Matapos dumaan ang Bagyong Karen ay agarang dumiretso si Atty Umali sa mga lugar na pinakanaapektuhan ng bagyo. Kabilang ang Lungsod ng Palayan, Bayan ng Laur, Gabaldon at Bongabon, upang personal na makita ang kalagayan doon at siya mismo ang nagbalita nito sa TV48 at DWNE upang makarating sa PDRRMC at kaagad na aksyunan ito. -Ulat ni Danira Gabriel