Panig ng iba’t-ibang sektor na apektado sa pagtatayo ng Baratilyo sa Cabanatuan, dininig

   Inalam sa kauna-unahang Public Hearing ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang panig ng iba’t ibang sektor na apektado sa pagtatayo ng baratilyo sa palengke. Bunsod ng mungkahi ni Konsehal Nero Mercado.

   Dininig sa kauna-unahang pagkakataon ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa pamumuno ni Vice Mayor Doc Anthony Umali, ang panukalang pagpasa ng ordinansa kaugnay ng liham ni Mayor Jay Vergara na magbibigay ng karapatan sa MV Lo na magtayo ng baratilyo sa loob ng tatlong buwan sa harap mismo ng palengke.

   Ito ay pinangunahan ng mga miyembro ng Committee on  Market and Slaughter House, Committee on Ways and Means at Committee on Laws, Rules and Regulations at iba pang konsehales. Dumating din ang Cabanatuan City Police Station, City Economic Enterprise Management Office; Brgy Capt. Joselito Santiago ng Supermarket, mga miyembro ng Sangkap Kapuso at Cabanatuan City Supermarket Vendors Association. Habang hindi naman dumalo ang organizer na MV Lo.

   Sa una, nanibago umano si Engr. Domingo Pararuan ng City Economic Enterprise Management Office at Brgy Capt. Joselito Santiago ng Supermarket dahil ngayon lamang sila nakadalo dahil ngayon lang daw nagkaroon ng pagdinig kaugnay sa pag-apruba sa naturang ordinansa.

   Sa paliwanag ni Kon. Nero Mercado, ang pagdinig ay isang paraan ng paglalagay sa tamang proseso bago maipasa ang isang ordinansa at hindi basta na lang ipinapasa ng walang konsultasyon sa mga sektor na maapektuhan nito.

   Sa simula ng pagdinig, ay hiningan ng pahayag ang bawat panig. Unang nagsalita si Engr. Pararuan, aniya, pabor siya sa pagpapatayo ng baratilyo sa harap ng palengke na kaniyang pinamamahalaan.

   Dismayado naman ang Cabanatuan City Supermarket Vendors Association, sa pagpabor ni Engr. Pararuan sa pagtatayo ng baratilyo. Dahil ngayong panahon lamang na ito umaasa ang mga taga-palengke na magkaroon ng magandang kita dahil sa dagsa ng mga mamimili tuwing nalalapit ang kapaskuhan.

   Sumunod na hiningan ng pahayag ang traffic management ng Cabanatuan City Police Station, dahil isa din sa nagiging problema ay ang dobleng paghigpit ng daloy ng trapiko sa paligid ng palengke tuwing itinatayo ang baratilyo bunsod ng pagsara ng ilang kalsada nito.

   Sa mungkahi ni Brgy Capt. Joselito Santiago ng Supermarket na imbes na sa Paco Roman at Burgos St. ipwesto ang baratilyo ay ilipat na lang umano ito sa Sanciangco at Melencio St. na sinang-ayunan ng traffic management ng Cabanatuan City Police Station.

   Buwelta naman ng Vendors Association.

   Bukod sa trapik, tinitignan ding anggulo ay ang kalinisan ng kapaligiran at palikuran ng mga magtitinda sa baratilyo.

   Aminado si Brgy capt. Santiago na walang maayos na palikuran ang mga tindera dahil halos 24 oras na gising ang mga ito sa pagtitinda.

   Hirit pa ni Santiago, hindi rin ligtas ang pagtatayo ng baratilyo sa palibot ng palengke dahil maaaring magdulot ito ng sunog sa pamilihang bayan.

   Sa kalagitnaan ng public hearing ay dumating si Jed Austria chief ng City Business Permits and License Office, na siyang sumagot sa mga katanungan ni Kon. Nero Mercado.

   Sa pahayag ni Austria, Special Permit ang iniisyu sa MV Lo organizer at hindi regular rate na katulad ng ibinabayad ng mga tindera sa loob ng palengke. Binusisi din ni Kon. Mercado ang halaga ng ibinabayad ng MV Lo sa City Government.

   Kinumpirma din ni Austria na mga dayuhan ang magtatayo ng baratilyo at hindi cabanatueño ang makikinabang sa pagdagsa ng mga mamimili.

   Sa tanong ni Kon. Mario Seeping, Vice Chairman ng Laws, Rules and Regulations. Kung mabili ang baratilyo, bakit hindi aniya mga tiga palengke na lang ang maglagay ng baratilyo?

   Win-win solution naman ang iminungkahi ni Kon. EJ Joson Chairman ng committee of Laws, Rules and Regulations sa Acting President ng CCSVA na papayag ba sila kung sakaling ang baratilyo ay hindi ilalagay sa palibot ng palengke?

   Hanggang sa matapos ang Public Hearing ay walang dumating na representante mula sa organizer ng MV Lo.

   Sa huli, binigyang katiyakan ni Vice Mayor Doc Anthony Umali na masusing pag-aaralan ng sangguniang panglunsod ang panig ng bawat isa.

   Ang pinal na desisyon ng Committee at Sangguniang Panlungsod sa naturang isyu ay tatalakayin sa Ika-labing limang regular session ng Sangguniang Panlungsod na gaganapin sa October 11, 2016. -Ulat ni Danira Gabriel