Bangkay ng lalaki, natagpuan; Binatang kabilang sa Drug Watch List, patay sa tandem; 46-anyos na diumano’y pusher at user ng droga, itinumba

   Natagpuan sa shoulder ng provincial road ang bangkay ng isang lalaki sa barangay Sapang Bato, General  Natividad.

   Ang hindi pa nakikilalang biktima ay nakasuot ng gray shorts na may kulay blue belt, black shirt na may AEROPOSTALE 87 print sa harap, nakabalot ng packaging tape ang ulo, at mga braso na inipit ng motorcycle carrier at tsinelas sa likod, at ang leeg ay pinaluputan ng alambre na may nakasabit na karton na may nakasulat na “Motornapper at pusher/Adik ako!!!”

Natagpuan ni Wilfredo Ronas, Barangay Treasurer ng Sapang, Gen. Natividad ang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng kalsada.

Natagpuan ni Wilfredo Ronas, Barangay Treasurer ng Sapang, Gen. Natividad ang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng kalsada.

   Ayon sa treasurer ng barangay Sapang na si Wilfredo Ronas y Paraiso, 53-anyos, 5:30 ng madaling araw ng makita ng isang tindero ng pandesal ang bangkay ng lalaki at iniulat ito sa barangay hall.

   Narekober ng SOCO sa kanang bulsa ng shorts ng biktima ang isang pipa na yari sa kahoy na may sunog na marijuana na nasa loob ng kulay blue plastic na mayroon ding marijuana.

   Palayan City- patay ang isang binatang kabilang sa Drug Watch List ng himpilan ng pulisya ng lungsod na ito matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa kahabaan ng Nueva Ecija-Aurora Road sa barangay Singalat.

   Pinagbabaril ng tandem sa ulo si Edgar Fermin na kabilang umano sa Drug Watch List ng himpilan ng pulisya sa Palayan City

Pinagbabaril ng tandem sa ulo si Edgar Fermin na kabilang umano sa Drug Watch List ng himpilan ng pulisya sa Palayan City

   Kinilala ang biktimang si Edgar Leonardo y Fermin, 43-anyos, at residente ng barangay Malate, Palayan City.

   Base sa imbestigasyon ng otoridad, 9:15 ng umaga, sakay ng minamanehong motorsiklo ang biktima papuntang Palayan City proper nang buntutan ng dalawang suspek na magkaangkas sa isang itim na motor, kapwa naka-helmet, mga nakasuot ng itim na jacket at maong pants.

   Pinuntirya ng mga suspek sa ulo ang biktimang pinaputukan ng maraming beses gamit ang kalibre kwarenta’y singkong baril pagkaraan ay mabilis na tumakas.

   San Isidro- itinumba ng tandem ang isang 46-anyos na diumano’y pusher at user ng illegal na droga.

   Kinilala ang biktimang si Narciso Lopez Jr. y Agulto, may asawa, magsasaka, huling tirahan nito ay sa Medina St. Purok 5, barangay Malapit, San Isidro.

May kasong rape in relation to RA 7610 si Narciso Lopez na pinatay habang naglalaro ng tong-its sa Malapit, San Isidro.

May kasong rape in relation to RA 7610 si Narciso Lopez na pinatay habang naglalaro ng tong-its sa Malapit, San Isidro.

   Batay sa inisyal na pagsisiyasat, 4:00 ng hapon habang naglalaro ng tong-its ang biktima kasama ang kaniyang mga kapit-bahay sa bakanteng lote nang dumating ang dalawang suspek lulan ng Kawasaki Bajaj motorcycle na walang plate number.

  Ipinarada umano ng mga ito ang sinakyang motor ilang metro ang layo sa kinaroroonan ng mga nagsusugal pagkatapos, armado ng kalibre .45 baril ay sumugod sa biktima at isa sa dalawa ang namaril dito ng sunud-sunod.

   Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang napag-alamang may kasong rape in relation to RA 7610.

   Samantala ang mga suspek ay mabilis na tumalilis makaraang maisagawa ang krimen.- ulat ni Clariza de Guzman.