Science City of Muñoz Vice Mayor Tekila Grace Alvarez-Pineda, inihatid na sa huling hantungan

   ‘Tila nakikidalamhati rin ang langit sa pagpanaw ni Science City of Muñoz Vice Mayor Tekila Grace Alvarez-Pineda, dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan kahapon sa paghatid sa kanya sa huling hantungan.

Inihatid na kahapon (September 13, 2016) ang mga labi ni Vice Mayor Tekila Grace Alvarez-Pineda sa Science City of Muñoz Memorial Park, kung saan libong Muñozonians ang nakiramay at nakidalamhati. – Courtesy of Facebook

Inihatid na kahapon (September 13, 2016) ang mga labi ni Vice Mayor Tekila Grace Alvarez-Pineda sa Science City of Muñoz Memorial Park, kung saan libong Muñozonians ang nakiramay at nakidalamhati. – Courtesy of Facebook

   Sa kabila nito ay hindi napigilan ang libong Muñozonians upang makiramay at makisimpatya sa mga naulilang pamilya ni Vice Mayor Tekila.

   Bago ang libing, ay nagdaos muna ng memorial mass para sa kanya ang kanyang mga naulilang kapamilya, kaibigan, kapwa lingkod bayan, at kababayan.

   Sa misa ay halos hindi makapagsalita ang bunsong kapatid nito na si Noel Alvarez na nagpahayag ng sakit ng kalooban sa biglaang pagpanaw ng nakatatandang kapatid.

   Sa mensahe naman ni Mayor Nestor Alvarez, sinabi nito na maluwag na tanggapin ang pagpanaw ni Vice Mayor Tekila, sapagkat marahil aniya ay may mas magandang pinaplano ang Diyos para sa lahat.

   Matapos ang misa ay nagkaroon ng mahabang pila para sa mga Muñozonian na nais masulyapan sa huling pagkakataon ang bise-alkalde.

   Bago ito tuluyang ihatid sa Science City of Muñoz Memorial Park ay dinaan din ang mga labi nito sa City Hall kung saan nagpalipad ng mga puting lobo at nagpakawala ng mga puting kalapati.

   Isang mabait na kaibigan, matapat na lingkod bayan, at mabuting asawa’t ina, ganyan inilarawan ni Sinclaire Castro ang kanyang matalik na kaibigan na si Vice Mayor Tekila.

   Sa edad na tatlumput tatlo ay naiwan ni Vice Mayor Tekila ang kanyang nag-iisang anak at asawa, pumanaw ito noong September 6 dahil sa atake sa puso. Ulat ni Jovelyn Astrero