4 patay sa pagtutulak ng illegal na droga; 2 tricycle driver na hinihinalang “user”, itinumba sa pot session

   Patay ang apat na mga diumano’y nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa mas pinaigting na Oplan Tokhang ng mga otoridad sa bayan ng Aliaga at lungsod ng Cabanatuan.

   Kinilala ang mga suspek na sina Arnold Macapagal alyas Jeff ng barangay Caalibangbangan; Venerando Esteban, 49-anyos, ng barangay Aduas Sur; Imelda Cando, 48, at Noelito Esquivel, kapwa residente ng barangay  Mayapyap Norte, lahat sa Cabanatuan City.

   Base sa report ng Aliaga Police Station, napaslang ng mga pulis si Macapagal sa naganap na sagupaan habang nagsasagawa ng buy-bust operation.

   Una rito, isang asset umano ang nagturo kay “Jeff” na tulak ng illegal na droga. 11:00 ng gabi ng gawin ang operasyon ngunit ng makahalata si Macapagal na isang pulis ang katransaksyon ay tumakas ito na nagresulta sa pagtugis sa kanya ng mga operatiba.

   Narekober ng SOCO ang limang selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php5, 000.00, at isang caliber 38 revolver na kargado ng bala.

   Tatlong bangkay ng lalaki na mga diumano’y sangkot sa droga ang natagpuan sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Cabanatuan.

Tatlong bangkay ng lalaki na mga diumano’y sangkot sa droga ang natagpuan sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Cabanatuan.

   Samantala, natagpuan naman ang mga bangkay nila Esteban, Cando, at Esquivel sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Cabanatuan. Si Esteban ay nadiskubreng nakahandusay sa gilid ng kalsada sa barangay Aduas Centro na nakabalot ng damit ang ulo, nakagapos ang mga kamay, at mga paa.

   Nakuha mula sa kanyang bulsa ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng pinagsususpetsahang shabu.

   Habang ang mga bangkay nina Cando at Esquivel ay nakita sa shoulder ng kalsada sa barangay M.S Garcia na kapwa nakabalot din ng damit ang mga ulo, at mga nakagapos. Nasamsam din mula sa dalawa ang mga plastic sachet na may lamang shabu.

Habang nasa loob ng bodega sina Jerry Ramos at Rommel Guinto ay pinagbabaril ang mga ito ng dalawang hindi nakilalang suspek na armado ng .45 baril sa brgy. Lourdes, Cabanatuan City.

Habang nasa loob ng bodega sina Jerry Ramos at Rommel Guinto ay pinagbabaril ang mga ito ng dalawang hindi nakilalang suspek na armado ng .45 baril sa brgy. Lourdes, Cabanatuan City.

   Sa lungsod pa rin ng Cabanatuan, naudlot ang dalawang tricycle driver na pinaniniwalaang magsasagawa ng pot session matapos itumba ng mga hindi nakilalang suspek sa Purok Mulawin, barangay Lourdes.

   Kinilala ang mga biktimang sina Jerry Ramos y de Guzman, 34-anyos, may asawa; at Rommel Guinto y Esguerra alyas Mel, 49, may asawa.

   Batay sa imbestigasyon ng Cabanatuan Police Station, nasa loob ng bodega na pag-aari ni Guinto ang dalawa nang dumating ang dalawang suspek na armado ng kalibre kwarenta’y singkong baril at pinaputukan ng sunud-sunod ang mga biktima.

   Kaagad na binawian ng buhay ang mga dalawa dahil sa mga tinamong tama sa kanilang mga ulo habang ang mga suspek ay tumakas ng naglalakad lamang.

   Nasamsam sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng .45, isang selyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at drug paraphernalia.-ulat ni Clariza de Guzman