10 Mayor at Vice Mayor sa Central Luzon, dawit sa ikalawang listahan ng Narco-Politicians; 100 pulis sa Region 3, sangkot din!

   Ibinunyag ni Regional Director P/Chief Supt. Aaron Aquino na sampung Mayor at Vice Mayor ang kasama sa ikalawang listahan na pinaratangang protektor ng iligal na droga sa Central Luzon, kabilang na ang probinsiya ng Nueva Ecija.

   Ito ang kinumpirma ni Aquino, sa pagbisita niya sa Mass Oathtaking ng Isang libo isang daan at dalawampu’t dalawang mga gumagamit at tulak ng ipinagbabawal na gamot na sumuko sa bayan ng Talavera.

   Tumanggi si Aquino na pangalanan ang nasabing mga opisyal sa listahan na isinumite na kay Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa habang nagpapatuloy ang tatlong linggong validation.

   Sinabi ni Aquino na bukod pa ito sa listahan na unang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nabanggit ang mga Mayor ng San Rafael, Bulacan at Mabalacat, Pampanga.

   Binanggit din ni Regional Director na bukod sa isang daang pulis na nauna nang tinukoy na protektor di umano ng ilegal na droga sa region 3 ay may susunod pang isang daang pulis na muli niyang ipatatapon sa Mindanao.

   Katwiran ni Aquino, inililipat nila ang mga ito sa Mindanao upang maihinto ang iligal na gawain ng mga sangkot na pulis.

   Dagdag pa ni Aquino, huli na para linisin ang pangalan ng mga politiko at pulis na dawit sa iligal na droga, dahil hawak na ni Pres. Duterte ang ikalawang listahan. Ulat ni Danira Gabriel