Gun Capability Demonstration ng Army Artillery Regiment, ipinakita sa mga estudyante ng CRT

   Bahagi ng pakikiisa ng Army Artillery Regiment o AAR sa Greening Program ng Pamahalaan, ang pagsasagawa ng Gun Capability Demonstration o pagpapakita ng kanilang kakayanan sa pagsasagawa ng kanilang trabaho sa battlefield.

   Ayon kay Captain Janjan Saldo, ang mga ipinakita sa demonstration ay ang papel na ginagampanan ng AAR sa aktwal na operasyon ng mga manuever units sa pagsasagawa ng mga combat operation on the ground sa totoong labanan.

   Dagdag ni Captain Saldo, Operations Officer ng 5th Field Artillery Battalion, isa sa layunin ng aktibidad na natunghayan ng mga estudyante ng CRT at ilang stakeholders ang recruitment upang makahikayat na pumasok sa Philippine Army.

   Magsisilbi na rin aniya itong babala sa sinuman na nagbabalak na pumanig sa mga rebelde upang maliwanagan sa maaaring sapitin ng kanilang mga buhay.

   Bago matapos ang demonstrasyon ay ipinaranas din sa ilang stakeholders at ilang bisita na naroroon, kabilang si Nueva Ecija Peso Chief Officer Michael Calma, ang pagpapasabog ng 105 milimeter, US made na kanyon. -Ulat ni Shane Tolentino