President Duterte, nangako ng dobleng taas ng sweldo sa mga kasundaluhan

     Ikinatuwa ng mga sundalo na nakabase sa Fort Ramon Magsaysay ang magandang balitang inihatid sa kanila ni President Rodrigo Roa Duterte kahapon sa kanyang pagbisita sa mga ito.

     Ayon kay Pangulong Duterte, isa sa kanyang ipinangako noong panahon ng kampanyahan ay ang pagtataas ng sweldo ng mga sundalo, bagay na kanyang tutuparin sa susunod na buwan.

Dobleng taas ng sweldo para sa mga kasundaluhan, ito ang binitiwang pangako ni President Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City.

Dobleng taas ng sweldo para sa mga kasundaluhan, ito ang binitiwang pangako ni President Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City.

      Ginarantiyahan din ng Pangulo ang hanay ng kasundaluhan, na kung paano nito minahal at pinorotektahan ang kapulisan noong siya ay Mayor pa lamang ng Davao, ay ganoon din ang kanyang gagawin sa kasundaluhan ngayong siya ay nailuklok na bilang Presidente ng Pilipinas.

     Binigyang linaw din ni President Duterte ang pagdedeklara sa unilateral ceasefire, aniya bilang ehekutibo ay ninanais lamang niyang mabigyan ng kapayapaan ang bawat mamamayang Pilipino at matigil na ang anumang kaguluhan sa bansa.

      Nagpahayag naman ng katuwaan si Sgt. Norman Calix sa mga narinig mula sa presidente, partikular dito ang hinahangad na kapayapaan ng Pangulo para sa bawat mamamayang Pilipino.

     Inaasahan din ni Sgt. Calix na magagawa ng pangulo na mabago ang bansa, at sana aniya ay matularan din ito ng mga susunod pang magiging president ng bansa.

     Ayon naman kay Capt. Rozell Ticar ng Division Public Affairs Office, lahat ng sundalo ay masaya sa pag-aanunsiyo ng pangulo sa pagtaas ng kanilang mga sweldo.

      Handa rin naman aniya ang kanilang hanay sa pagsuporta sa kampanya ng Administrasyong Duterte sa pagsugpo sa iligal na droga. -Ulat ni Shane Tolentino