Nanalong kongresista, nameke umano ng dokumento

     Nagfile ng Petition for Quo Warranto (Ad Cautelam) si Philip “Dobol P” Piccio sa HRET o House of Representatives Electoral Tribunal upang tanggalin sa pwesto si 3rd District Congresswoman-elect Rosanna “Ria” Vergara dahil nananatili umano itong isang Amerikana.

     Sa ilalim ng batas, pinapayagang magsampa ng quo warranto petition sa HRET ang sinumang rehistradong botante ng congressional district kung ang ground ay ineligibility, labinlimang araw matapos na pormal na maupo sa posisyon ang isang opisyal.

Si Philip “Dobol P” Piccio sa ginanap na presscon sa Annabel’s Tomas Morato, Quezon City.

Si Philip “Dobol P” Piccio sa ginanap na presscon sa Annabel’s Tomas Morato, Quezon City.

     Ibinunyag ni Piccio sa ginanap na press conference na pinalsipika at pineke ni Ria Vergrara ang lahat ng dokumento na nagsasabing isa na itong dual citizen sa ilalim ng Republic Act 9225. Partikular na tinukoy ni Dobol P ang Oath of Allegiance to the Philippines ni Vergara na diumano’y isinagawa noong November 26, 2006 sa harap ni Notary Public Atty. Alejandro Cinco, at Identification Certificate Number 06-12955 na may petsang November 30, 2006 na sinasabing inisyu daw ng Bureau of Immigration.

     Matatandaan na naghain sa Commission on Elections si Dobol P ng disqualification case laban kay Vergara dahil  sa pagiging Amerikana nito, matapos nitong magfile ng Certificate of Candidacy noong October 15, 2015 at kumandidatong kinatawan ng ikatlong distrito.

     Ginamit ni Ria sa Comelec  bilang ebidensiya sa kanyang naging sagot sa nasabing kaso, ang kanyang Oath of Allegiance, at Identification Certification kung saan pinalalabas na nabawi na niya ang kanyang pagiging Filipino, at kwalipikado siyang kumandidato sa eleksyon.

     Ngunit, napansin ni Piccio na magkakaiba ang mga pirma ni Ria sa mga dokumentong nabanggit, at kaduda-duda rin na mga machine copies lang ng mga ito ang ipinasa sa Comelec. Nang kanyang beripikahin, sinertipakahan ng Office of the Clerk of Court of the City of Manila na wala silang orihinal na kopya ng nasabing Oath of Allegiance dahil wala namang isinumite ganito sa kanilang tanggapan.

Ang magkaibang pirma ni Rosanna “Ria” Vergara sa kanyang Oath of Allegiance to the Phils. at Identification Certification na diumano’y ipinagkaloob ng Bureau of Immigration na nag-udyok kay Dobol P upang beripikahin ang mga nasabing dokumento.

Ang magkaibang pirma ni Rosanna “Ria” Vergara sa kanyang Oath of Allegiance to the Phils. at Identification Certification na diumano’y ipinagkaloob ng Bureau of Immigration na nag-udyok kay Dobol P upang beripikahin ang mga nasabing dokumento.

     Gayundin, sinertipikahan ng Bureau of Immigration na wala silang natanggap at iprinosesong aplikasyon mula kay Ria para sa dual citizenship. Maging ang iprinesentang Identification Certificate nito ay wala rin sa records ng Immigration.    Nadiskubre rin na ang pirma ng Notaryo Publiko ay palsipikado, dahil nang ikumpara ang specimen signature ni Atty. Cinco para sa kanyang Notarial Commission noong 2006  sa kanyang pirma na lumilitaw sa Oath of Allegiance ni Vergara, kitang-kita na magkaiba ito.

     Bago bumaba ang resolusyon ng Comelec noong June 7, 2016 ay isinumite ni Piccio ang lahat ng katunayang peke ang mga papeles ni Vergara, ngunit ipinawalang saysay ito ng Comelec sa pagsasabing walang jurisdiction ang kanilang tanggapan sa mga kaso na may kaugnayan sa citizenship at dahil sa kawalan nito ng merito. Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Dobol P ang laban at nagfile ng Motion for Reconsideration sa Comelec en banc kung saan kasalukuyang nakabinbin ang kaso ng diskwalipikasyon ni Ria.- ulat ni Clariza de Guzman